Ang wikang Filipino mula sa bibig ng isang Amerikano

Si Cameron at ang iba pang miyembro ng Filipino club matapos nilang sayawin ang tinikling.

NOONG nasa Pilipinas pa siya, lahat ay napapalingon sa tuwing lalakad siya sa daan. Sa kanyang maputing kutis pa lang ay halatang siya ay isang dayuhan. Kung sinumang gustong makipag-usap sa kanya ay inihahanda ang sarili sa pag-iingles ngunit sila’y napapanganga nang malamang siya ay magaling sa wikang Pilipino.

Ngayong buwan ng wika, kilalanin natin ang isang taong wala mang dugong Pilipino at hindi man dito nakatira, ngunit mahal na mahal ang Pilipinas at ang pambansang wika.

SI CAMERON

Ang 24-anyos na si Cameron Watkins ay isang Amerikanong may pusong Pinoy. Lumaki siya sa Idaho at ngayon ay isang estudyante mula sa Brigham Young University (BYU) Provo, Utah, kung saan siya ay nag-aaral para maging isang inhinyero.

Bilang isang miyembro nang The Church of Jesus Christ of Latter Day Saints, ipinadala si Cameron sa Pilipinas noong 2014 hanggang 2016 upang ibahagi sa mga tao ang ebanghelyo ni Hesukristo sa loob ng dalawang taon. Sa partikular, siya ay itinalaga sa Panay area. Dahil dito, si Cameron ay naging mahusay magsalita nang Hiligaynon at Karay-a.

Ipininagmamalaki ng mga miyembro ng Filipino club ang larawan ng watawat ng Pilipinas.

Sabi pa nga niya marunong din daw siyang mag-Bisaya. Natatawa siyang sabihing, “Gamay lang jud (Konti lang talaga)”.

Hindi siya nakontento sa pagsasalita nang Hiligaynon, Karay-a, at Bisaya. Nang mapansin niyang hindi lahat ng mga Pinoy ay nakakaintindi sa mga diyalekto, nagpasya siyang pag-aralan ang Wikang Pilipino.

Pagkatapos itong pag-aralan ni Cameron, siya ay malayang nakikipag-usap sa kahit sinumang Pilipinong pumupunta sa Panay. Maging taga-Luzon man o Mindanao, kaya niyang maintindihan gamit ang pambansang wika.

PAG-UWI SA AMERIKA

Natapos man ang dalawang taong misyon ni Cameron sa Pilipinas, hindi natapos ang nag-aalab niyang pagmamahal sa ating bayan.

Pagkabalik niya sa Utah, nanatili siyang konektado sa mga kaibigan niyang Pinoy gamit ang social media. Ang mga chatbox ay halos walang lamang Ingles. Ito lamang ay ang Wikang Pilipino.

Marami rin siyang nakilalang mga Pilipinong mag-aaral sa BYU Provo. Sila din naman ang mga miyembro ng Filipino Club kung saan si Cameron ay isang kalihim. Lubos pang gumaling ang pagsasalita niya ng Wikang Pilipino dahil sa mga gawain nilang mag videoke ng mga OPM songs at manood ng Pilipinong pelikula.

Sa labas ng Filipino Club, aminado si Cameron na napabuti pa ang pagsasalita niya ng wikang Pilipino dahil sa mga paborito niyang Filipino films at Filipino love teams.

 

Pag-uwi ni Cameron sa Amerika pagkatapos ng kanyang dalawang taong misyon dito sa Pilipinas.

Pahayag niya, “Paborito ko ang Our Mighty Yaya at Haunted Mansion. Gusto ko din ang ‘Crazy Beautiful You’ kung saan bida ang Kathniel at ‘Just The Way You Are’ na pinagbibidahan ng LizQuen.”

 

Mahilig din siyang makinig sa mga kanta nina Moira Dela Torre, KZ Tandigan, at Yeng Constantino. Sabi pa ni Cameron, “Paborito ko ang Official Soundtrack ng ‘Diary ng Panget’.”

ANG NAMI-MISS NIYA

Minsan kung siya’y nagmumuni-muni at naaalala ang mga pinagdaanan niya sa Pilipinas, lubos niyang nami-miss ang mga maliliit na bagay.

Wika niya, “Gusto ko nang kumain ng adobo ulit. Na-miss ko ring kumabit sa jeep sa tuwing kami ay naglalakbay. At syempre, miss na miss ko na ang pandesal, yung may malunggay ha? Emphasis on malunggay!”

Higit sa lahat, nami-miss na niya ang mga Pinoy—kung gaano tayo ka magiliw at masaya.

ANG WIKANG PILIPINO

Ang huling bisita ni Cameron dito ay noon pang May 2017. Wala siyang pinagsisihan sa pag-aaral ng wikang Pilipino dahil ito ay nakatulong sa kanya nang pumasyal siya sa iba’t ibang lugar sa Luzon.

Subalit, napansin rin niya na ilang Pilipino, lalo na ang mga kabataan ngayon, ay hindi ipinagmamalaki ang sariling wika.

Isang larawan ng isang dayuhang lubos na mahal ang bansang Pilipinas at ang wika nito.

Pahayag ng Amerikano, “Oo, maganda ang Ingles dahil isa itong lengguwaheng magagamit kahit saan. Pero ang kultura, magagandang asal, at Wikang Pilipino? That’s what makes you who you are. That’s what makes you a Filipino. Sobrang mahalaga ang may sariling wika dahil kung wala, you’ll be just like everybody else.”

Iginiit niyang, “Kung hindi mo mahal ang wika mo, paunti-unti mong hindi namamahal ang bayan mo. Know who you are. Your own language? It makes you unique and special.”

Marahil si Cameron nga ay bumalik na sa dati niyang buhay sa Amerika pero hinding hindi nya makakalimutan ang impluwensiyang ipinamahagi ng Pilipinas sa kanya.

Sa pagkakilala pa lang kay Cameron ay hindi maikakaila na ang paggamit ng puso at paggamit ng wika ay iisa lamang./PN

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here