REGARDING scholarship on my literary works, I really don’t care in what language they are written. When people read me with passion and intent, I am just grateful. John Rey Sumalapao’s reading is one of the two critical essays in this series that was written in Filipino (the other one will be published next week).
*
John Rey P. Sumalapao is with DepEd Iloilo. He teaches Komunikasyon at Pananaliksik sa Wika at Kulturang Pilipino, and Pagbasa at Pagsusuri ng Iba’t Ibang Teksto Tungo sa Pananaliksik for senior high school at Cabatuan National Comprehensive High School in Cabatuan, Iloilo.
*
Ang Pangit, ang Salamin, at ang Lipunan sa “Donato Bugtot”
ni John Rey P. Sumalapao
*
Isang mapanghusgang lipunan ang inilalarawan ng manunulat na si Peter Solis Nery sa kanyang akdang pampanitikang “Donato Bugtot”, na nagkamit ng Unang Gantimpala sa kategoryang Maikling Kuwentong Hiligaynon ng Palanca Awards noong 2011. Lantarang inihayag ng may-akda sa kanyang obra maestra na ang panlabas o pisikal na kaanyuan ng isang tao ang nagiging batayan kung paano siya tratuhin sa lipunang kanyang ginagalawan. Ngunit ang kuwento ay hindi lamang pagpapahayag ng damdamin ng may-akda tungkol sa mga bagay-bagay sa kanyang paligid kundi isang makapangyarihang lakas na may tungkuling ginagampanan sa pagsasalamin ng pakikipag-ugnayang panlipunan. At kung susuriin pang mabuti, maaari itong magsilbing gabay sa buhay o isang magandang halimbawa kung paano maging makatao sa lipunan sa kabila ng pang-aalipusta, pang-aapi at paghahamak na natatanggap.
May mga teoretikong nagsasabing buhay ang salalayan ng ano mang kathang pampanitikan, kaya’t sa alin mang akda ay walang masasalamin kundi ang pamumuhay at pakikipamuhay ng mga tao sa kanyang kapwa tao at sa kanyang kapaligiran. Dagdag pa, ang buhay at ang panitikan ay komplementaryo sa kadahilanang ang panitikan ang salamin ng buhay at ang buhay ang lumilikha ng salamin. Subalit ano nga ba ang tungkulin at pananagutan ni Nery (o ng sino mang manunulat) na sumasalamin sa lipunan? Sapat bang mailarawan lang ng may-akda ang katotohanan ng totoong buhay? O marapat na gamitin ng may-akda ang kanyang malikhaing guniguni upang mabigyan ng karampatang lunas ang mga suliranin at mabigyan ng alternatibong wakas ang mga kuwento?
Sa karaniwang kalakaran ng mapanghusgang lipunan, ang mga api ay kadalasang may namumuong galit, inggit, poot at panlulumo sa mga nakaaangat sa buhay. Sila’y nagiging matigas ang puso, mapaghiganti at ang iba pa ay kayang kumitil ng buhay. Mauunawaan ng mambabasa kung magiging maramot ang pangunahing tauhan sa kuwento ni Nery. Subalit hindi iyon ang layunin ng may-akda. Masining niyang inilarawan ang pisikal na kaanyuan ni Donato bilang “kuba, kulang sa timbang, tabingi ang ulo at parang palito ng posporo.” Batay sa kilos at pananalita ni Donato, mahihinuhang siya ang tauhang hindi biniyayaan ng kagandahan sa pisikal na kaayuan. Ngunit sa pamamagitan ng malikhain at masining na pagbabanghay ng may-akda, ipinamalas niya sa karurukan ng pagsasalaysay na ang pangunahing tauhan ay may busilak na kalooban. Sa ganitong paraan, matagumpay na naitawid ng may-akda ang kasabihang “Huwag hatulan ang aklat sa kanyang pabalat.”
Sa kuwento, si Donato Bugtot (Donatong Kuba) ay ipinanganak bilang nakapandidiring kakambal ng malusog na si Jed. Si Jed na “maganda” simula pagkabata ang pinaboran ng tadhana at maging ng kanilang mga magulang. Lumaking magkahiwalay ang kambal hanggang sa muli silang pinagtagpo dahil sa isang matinding pangangailangan sa gulang na dalawampu’t apat. Makabuluhan ang paggamit ng may-akda ng simbolo ng kambal dahil ito ay sumasalamin din ng mga pagkakasalungat. Si Donato ay isang halimbawa ng mga taong hindi biniyayaan ng magandang mukha ngunit nagtataglay ng busilak na kalooban. Kabaliktaran naman nito ng kanyang kakambal na si Jed na kumakatawan sa mga taong biniyayaan ng magandang mukha ngunit pangit naman ang ugali at mapanlinlang ang pisikal na kagandahan.
Sa akdang “Donato Bugtot” ni Nery ay litaw na litaw ang kabutihang taglay ng isang tao sa kabila ng pang-aalipusta, paghamak at pag-iwan sa kanya maging ng kanyang sariling ina. Ipinakita rin ang mababang kalidad ng pagpapahalaga ng lipunan sa karapatang pantao lalo na sa mga may kapansanan. Dagling hinusgahan si Donato dahil nagtataglay ito ng kapangitan at di kaaya-ayang anyo. Sinasalamin din ng akda ang katotohanan na sa ating lipunan ay lantaran ang pagyurak sa karapatang pantao at diskriminasyon pagdating sa larangan ng estado o kalagayan ng tao sa buhay. Hindi rin maikakaila na sa lipunang ating ginagalawan ang maganda ay hinahangaan at ang pangit ay hinugusgahan, nilalait, minamaliit at inaalipusta.
Ganoon pa man, ito ang tunay na halaga ng akda ni Nery: naipakita sa kuwento ang tungkulin o responsibilidad ng isang tao bilang indibidwal na bahagi ng lipunan. Bilang kasapi ng lipunan, bawat tao ay may kani-kaniyang tungkuling ginagampanan para sa kapakinabangan ng higit na nakararami, kung hindi man ng lahat. Tungkulin ng bawat tao ang magtulungan, suportahan ang isa’t isa at maghanap ng paraan para makapag-ambag ng positibong pagbabago. Ito ang ginawa ni Donato: ang magbigay ng kanyang bato sa kanyang kakambal para mabigyan ito ng ikalawang pagkakataon at ng pagkakataong magbago. Iyon din ang tugon ng kuwentistang si Nery sa hamon at tanong ng kanyang responsibilidad sa pagsasalamin ng lipunan sa kanyang akda: ang bigyan ang kanyang mambabasa ng pag-asa, ng kagyat na pag-unawa ng pagsagip at pagligtas ng daigdig na may pagkakataong magpakatao./PN