BY EDISON MARTE SICAD
Kahit na gustong limutin,
At isipan ay ibaling,
Ako’y hari kung ituring,
Pero sa’yo ay alipin.
—pasaring na pwede ring the other way around…
PAG NALIGAW ba ang tao ibig sabihin ba nito ay nawawala siya? O baka naman ang batayan kung talagang nawawala ang isang tao ay kung siya ay pinaghahanap na ng iba?
Dahil may dawalang kahulugan ang pag sambit sa, “Na miss ko siya.” At may dalang hagupit naman ang puna na, “Na miss ka ba niya?”
At lalong mas mahirap hanapin ang nawawala sa sarili o magpakita sa nagbubulag-bulagan. Pero hindi ba tinatawag nating baliw ang taong naniniwala sa imposible? At ang tunay na pag-ibig ay di-hamak na nakabubulag?
At kailangan nga bang ipaliwanag pati ang mga sekreto para lang maunawaan ng iba ang iyong saloobin? Makasarili ba ang rights to privacy? At freedom of information ba ang lahat ng ka-tsismisan sa mundo? May katinuan ba ang kubling pamumuhay?
Ano naman kasi ang saysay kung makahanap ka ng iba (the significant other) pero ‘di mo naman mahanap ang iyong sarili?
Iba naman kasi ang paglalaro ng taguan: may kilig dahil sa pag-asa na makita at may hagikhik dahil sa nakatagong surpresa. At ibang kwento naman ang pagtatago kasi ayaw magpakita dahil mas komportable na sa katahimikan kaysa sa katotohanan.
“Ba’t ba ang hirap mong hanapin?” At kung katabi na ay, “Ba’t ba ang hirap mong mahalin?” (At naging madali na ang matukso sa iba.)
Siguro nga isang himala ang magising sa katotohanan; at may sa kademonyohan na ang pagtulog na dinuduyan ng mga bangungot.
Alin ngayon ang mas nakatatakot? Ang harapin ang katotohanan na ayaw mo namang tanggapin? O ang mabuhay sa pantasya ng bangungot na malayang naninirahan sa iyong isipan?
Pag pinakawalan mo, siya ay mahahanap ng iba. ‘Di bale, laya ka naman—pugante nga lang.
***
Sa paniniwala ni Roland Barthes, na isang Pranses na manunulat, may nagaganap na interaksiyon sa pagitan ng mambabasa at teksto na hindi na kontrolado ng manunulat.
Hindi na natin masasabi na umiba ang kahulugan gayong origihinal naman ang pagkasuri sa mga salita ayun sa pagkaiintindi ng mambabasa. Ika nga, sa pagbabasa, wala ng silbi ang manunulat. Hindi na batayan ng diskurso kung ano ang tamang interpretasyon sa mga panulat.
Ang likha ng manunulat ay nagiging alipin sa perspektibo ng isang mambabasa. Ito ay masasabi rin nating demokrasya sa literatura na pwede ring mauwi sa “mob rule.”
Ito na marahil ang dahilan kung bakit may tunog-aktibista ang mga likhang-sining at may panlipunang tungkulin ang mga manunulat. Dahil ano pa ba ang makapupukaw sa damdamin at isipan kundi ang ipaalam sa mamamayan ang nangyayaring panlilinlang sa tao?
Kritisismo sa mga poderosong tanging mga salita na lang ang maihahagis sa pader ng kasakiman: “Ungka flyover mountain range, the longest footwalk, Usmod Iloilo.”
May sarap at kirot ang mga salita. Dahil ang katotohanan ay walang pinapanigan at may nakatagong lakas na pwedeng gumiba sa hirarkiya ng korapsiyon.
Pero sino ang susulat? Sino ang haharap sa panganib? Sa mga pagbabanta?
Mas madaling magbasa at gawing panangga ang tapang (ang buhay) ng iba. Pero hindi naman kawalan ng responsibilidad kung tahimik ang mga tao sa umpisa. Kung talagang sobra na, at masyadong garapalan na ang “kausmodan,” dito na marahil maisasakatuparan ang tinatawag nating, “truth to power.”
Dahil ang katotohanan ay may kakaibang lakas./PN