AKO PO ay lubos na nababahala sa kamakailang pahayag ng Communist Party of the Philippines (CPP) na kanilang ipinakalat tungkol sa kanilang balak na magsagawa ng mga taktikal na opensiba dito sa Pilipinas.
Ayon sa tagapagsalita ng CPP na si Marco Valbuena, dapat isagawa ng New People’s Army (NPA) ang lahat ng posibleng uri ng taktikal na opensiba na gumagamit ng lahat ng uri ng armas “mula sa mga bato, machete, booby traps, rifles, land mines at lahat ng uri ng mga armas na kayang gawin ng mga tao.”
Sinabi pa ni Valbuena na inutusan ang NPA na tambangan ang reconnaissance unit ng tropa ng gobyerno, perimeter defense o supply lines at salakayin ang kanilang mga nakahiwalay na outpost.
Sa gitna ng ating mga pagsisikap upang makamit ang kapayapaan at kaunlaran sa ating bayan, ang ganitong uri ng mga hakbang mula sa CPP at ang kaniyang armadong grupong NPA ay nagdudulot lamang ng karagdagang kaguluhan at pagkabahala sa ating mga kababayan.
Naniniwala ako na ang tunay na pagbabago at pag-unlad ay maaaring makamtan sa pamamagitan ng mapayapang pakikipag-ugnayan at pagsasagawa ng makabuluhang usapang Pangkapayapaan at hindi sa pamamagitan ng karahasan at kaguluhan.
Hinihiling ko sa ating mga pinuno at sa ating pamahalaan na magpatuloy sa kanilang mga pagsisikap upang bigyang solusyon ang mga suliranin ng ating bayan sa pamamagitan ng maayos at makataong pamamaraan.
Nawa’y maging mapanuri tayo sa mga pangyayari at patuloy na maging handa sa pagtataguyod ng kapayapaan at kaunlaran sa ating bansa. – ARIES LOPEZ, Itogon, Benguet <margumen2738@gmail.com