Investigation of a poem

ANG DILA NG TULA

by Peter Solis Nery

May bukod-tanging tabas ang dila ng pagtutula 

ayaw sa ‘maanghang’ pero puro sili at bawang 

ayaw sa ‘matamis’ pero may atis, atis, atis 

hindi lang ‘kumakain’ kundi talagang kumakagat

*

tumutuka, kumukukot, ngumangatngat

ngumunguya, ngumangata, lumulunok, lumululon 

ang dila ng tula’y hindi naglalarawan, di nagsasabi

kundi nagpapakita, nagpapakitang-gilas 

*

sa paggamit ng gahum at bisa ng mga pandiwa 

at mga pangngalan lamang, hinihila ng dila ng tula 

ang ating mga mata sa mga bagay-bagay 

sa paligid—langgam, amag, tinapay, kape, tasa

*

mesa, silya, kusina, bahay, barangay, bayan, lupa

pati kalangitan at maging buong kalawakan.

*

Suerte at/o chamba na 14 lines ang tulang ito. Puede ba itong soneto?

At kahit na hindi soneto, hindi ba magandang ilagay ito sa apat na saknong na may 4-4-4-2 na mga linya?

Bahala na ang mga academico at scholars na magpatayan kung soneto ito o hindi. Pakialam natin sa kanila? 

Ang mahalaga, meron tayong tula na 14 lines!

*

Bakit ‘dila’ ng tula? Bakit hindi wika o lenguaje? 

May kinalaman kaya ang mga listahan ng pagkain at tala ng mga action sa proceso ng pagkain sa Stanzas 1 and 2? 

Sa Line 13, bakit ‘lupa’? Bakit hindi ‘bansa’ na mas maganda ang alliteration sa ‘bahay, barangay, bayan’?

Bakit mukhang catalogo lang ito? (Lalo sa Lines 10, 11, and 12.) 

Parang listahan lang ng utang sa tindahan ni Mayang? Puede bang maging tula ang mga listahan?

*

Ano ang message, kung meron man, ng tula? 

(Iba ang message sa summary, dear teachers. Please ‘wag ipasummarize ang alinman sa mga tula ko ever. Walang mahihita ang mga mag-aaral!)

*

Investigation: 

Sa Stanza 1, sinabing may natatanging wika ang tula, ngunit higit pa sa simpleng pagpahayag, ipinakita sa Lines 1, 2, and 3 kung paano ito namumukod-tangi. 

Paano nga ba? Ayaw sa ‘maanghang’. Wait, bakit may single quotation marks? Gusto talagang magpapansin?

At bakit gusto ring yatang magpapansin ng ‘kumakain’ sa Line 4? May gusto ba itong ituro hinggil sa paggamit ng more specific verb sa halip ng generic at madaling maabot na default word?

*

Ano ang ibig sabihin ng “atis, atis, atis” sa Line 3? Puede bang halilihan ito ng “puro atis” para parallel sa “puro sili” ng Line 2? Kailangan ba talaga ng tatlong ‘atis’?

Sa Line 8, hindi ba OA ang pakita at pakitang-gilas? Natuwa ba tayo sa pagkaclever nito? O naiinis dahil ang galing ng poet at bakit ba hindi natin naisip ‘yon?

Climax ba ang tawag sa figure of speech na ginamit from cafe to taza to the furthest reaches of space in Lines 10, 11, and 12? 

Does ‘lupa’ in Line 13 make more sense than ‘bansa’ after we have given it some thought?

*

Bakit umuulan ng synonyms sa Lines 5 and 6? Bakit may listahan na naman? 

Pero in fairness, ang sarap sa dila ng mga salita sa Stanza 2 kapag binibigkas. Almost like music.

At mukha namang may progression, may logical order and procedural arrangement from kagat to lunok.

Sabi ng ibang poets, use just one specific verb to show control and mastery of the language. 

Precision as art. Particularity. 

Hindi ito ang usapan dito. 

Sa tulang ito, hahangaan natin ang pinagkaiba ng ‘lulon’ at ‘lunok’, ‘ngatngat’ at ‘kukot’, ‘nguya’ at ‘ngata’. 

OMG! Lumabas din ang precision at particularity, a.k.a. specificness, a.k.a. specificity. (Ang galing ko talaga!)

Excuse me, gumamit ako ng dictionary para dito. Kung kaya, kung hindi mo maappreciate ‘yon, see you in Hell!

*

Mas masining ba ang tula kung sinabi ko lang na—

THE LANGUAGE OF POETRY

by Peter Solis Nery

Naiiba ang wika ng tula

Tiyak ang mga pangalan ng mga bagay 

Tumpak ang mga kilos at galaw

Mas mahalaga sa wika ng tula 

Ang mga pangngalan at pandiwa

Ang mga imahen na partikular at

Espesipiko, mula langit hanggang lupa.

*

Ayoko sa mga hugot lines dahil ‘lines’ lang sila. 

Poetic, pero hindi poetry. 

Kasi instant, minamadali, walang kaart-art.

Art is necessarily tedious. Laborious. Hindi accident.

Hindi cafe o pinta na tumilapon sa papel, art na.

Pinaghihirapan po ang tunay na art. Ginagawa nang may patience and determination.

Eight hours ko nang hinuhubog ang 14 lines na ito. Dagdag-bawas Gang na ang dating ko. 

Hindi poet ang tumatae lamang ng tula. 

Doon tayo sa nanganganak, lumuluwal, naglilabor & delivery ng mga tula. 

Sila ang tunay na makata—makati, makatao, maka(sali)ta.

*

Gusto ko sa poetry, ‘yong nagpapabagal ng pag-inog ng mundo.

Stressful ang 21st century living. Lahat mabilisan. 

Swipe right kung gusto mo ng totnakan, wala nang ligawan.

Maraming deadlines. Modules at grades pa more!

Matindi ang competition online. Kahit sa literary at creative output. 

Kasi, madaling magsawa ang mga netizens. At kung hindi ka magpupost or publish, maraming ibang content providers.

(Hindi lang ikaw ang anak ng Dios!)

*

Ayoko ng readers na walang panahon sa para akin.

(Doon na sila sa mga hubad at pabukol na TikToker boys. At sa mga katangahan-content providers.)

Ayoko ng readers na nagawi lang at napabasa sa tula ko, pero ang totoo, inutusan lang talaga silang bumili ng manteca at suka sa tindahan.

*

Gusto ko ang readers na uupo, magbabasa ng tula ko, may panahon para sa isang taza ng cafe (o tea, pinauso talaga ito!), may panahon para magmuni-muni.

Panahon para mag-enjoy ng mahika ng mga salita.

Panahon para sundan ang langgam, ang amag, ang tinapay, hanggang sa labas ng ventana, hanggang sa tumingala siya sa langit, sa kalawakan, at makaisip magpasalamat sa Dios na mas malaki kaysa sa langgam, kaysa sa amag, kaysa sa tula.

*

Kasi, kung walang dapat ipagpapasalamat ang mambabasa sa katapusan ng ating mga tula, bakit pa tayo nagtutula?

*

Pak-boom. Ganern! 

Mic drop!/PN 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here