
“How quickly poor grades are forgotten in the shadow of power and wealth.” – Frank Underwood
NANINIWALA pa rin ako na mas mahalaga ang library card ng isang estudyante kaysa sa kanyang report card. Samakatuwid, ang paglinang ng kaalaman at ang pagpapayabong ng isipan ay hindi lamang eksklusibong nangyayari sa loob ng klasrum. Ang estudyanteng kusang-loob na pumapasok sa silid-aklatan para magbasa ng libro ay maituturing din nating isang katangian ng pagiging matalino.
Pero ngayon, tanggap ko na rin (at ito ay isang mapait na realidad), na kahit pasang-awa lang noon ang isang estudyante (puro “wasay” ang grado), pero naging madiskarte at yumaman sa huli, siya ay maituturing din na matalino o “wais sa buhay.”
Hindi ko naman minamaliit o binabalewala ang sakripisyo at determinasyon ng isang estudyante na nagnanais makamit ang mga parangal na ginagawad ng kanyang paaralan. Isa rin naman itong magandang halimbawa at nakapagbibigay din ng inspirasyon sa ibang mag-aaral. Ang pagtanggap ng maraming medalya ay nagpapatunay din sa kahalagahan ng tradisyon sa ating edukasyon.
“Kailan ba natin masasabi na ang isang tao ay edukado?”
1. Salita at pananalita
“Ang mga sinasabi natin araw-araw, kung hindi tsismisan sa iba, ay tsismisan sa ating sarili.”
Nabubuhay ang usapan kung buhay ng iba ang pinag-uusapan. Araw-araw ay piyesta ng tsismisan. At marami ang mga deboto nito. Angkop na angkop nga ang kanta ng Yano: “Banal na aso, santong kabayo, natatawa ako, hi-hi-hi-hi, sa ‘yo…Ano man ang ‘yong ginagawa sa iyong kapatid, ay s’ya ring ginagawa mo sa akin.”
Hindi na mawawala sa “to-do list” ng tao ang tsismis. Akin ngang napag-isip-isip na may kabutihan din sigurong naidudulot sa ating lipunan itong tsismis: “Naku, Mildred! Ayusin mo nga ‘yang buhay mo. Ano na lang ang sasabihin ng iba diyan? Parang wala kang pinag-aralan!” Puwede na rin nating sabihin na ang pakikipag-tsismisan ay isang normal at natural na halimbawa ng isang “focus group discussion.”
2. Gawain at gawa-gawa
Sa isang kuwento (o tsismis) natin ipahiwatig ang paksang ito:
Hindi na halos makita ni Rodolfo ang daanan papunta sa kanilang tahanan kahit naka-high beam na ang kanyang ilaw. Nahihirapan na rin si Claudia sa pagtawag sa kanilang bahay. Ring lang nang ring sa kabilang linya.
“Akala ko ba bukas pa darating ang lintik na bagyong ito!” Hindi na halos marinig ni Rodolfo ang sariling boses. “Sinasabi ko na nga ba eh! Claudia ano na?!”
Hindi agad nakasagot si Claudia. At parang ayaw na nga niyang sagutin itong si Rodolfo. “Hoy, Claudia! Ano ba?!”
Kung si Claudia lang sana ang nagmamaneho…
3. Kabuhayan at hanapbuhay
May mga namamatay dahil sa paghahanapbuhay. Ang iba, habang nagtatrabaho, ay nawawalan ng pag-asa na maka-angat pa sa buhay. Ang pagkakaroon ng sahod ay hindi na solusyon para guminhawa sa darating na mga araw. Bilang karagdagan, hindi lang mahirap kundi pahirap din ang paghahanap ng trabaho.
Sa kabilang banda, bakit ba natin ipinagpatuloy ang kuwentong balikbayan? Pwede rin ba nating sabihin na ang taong nangingibang bayan ay isang takas-bayan?
Matagal-tagal na rin nating ipinagbunyi ang pag-alis ng mga mananakop sa ating bansa. Ngayon, kusa na tayong pumupunta sa ibang bansa para magpasakop.
Nais ko lang maunawaan ng lahat na hindi naman ako tutol sa desisyon ng iba na magtrabaho sa ibang bansa. Malaki naman talaga ang naitutulong ng pangingibang-bayan sa ating pamilya at sa ating gobyerno. May iba nga diyan sinuwerte pa at nakahanap ng true love.
Ang nais ko lang namang tukuyin ay ang kawalan ng kalayaan ng halos nakararami na manatili sa kani-kanilang mga pamilya at makapundar ng magandang kinabukasan na kapiling ang mga mahal sa buhay.
Binabayani ba natin ang pagpapakahirap sa ibang bansa?
At sa iba diyan na hindi makalabas-labas ng bansa kahit gusto nila, hanggang raffle draw nalang ba ang pangkabuhayan showcase?
Paano ba natin maipagmamalaki ang Inang Bayan kung walang pera ang ama ng tahanan? Kabalintunaan.
“A good father must first be a good husband; and a good husband must first be a good man.”/PN