‘Labanan ang pagbusal sa dila at kamalayan’

(We yield this space to the statement of the Concerned Artists of the Philippines due to its significance. – Ed.)

KAHANGALAN kung ituturing ang ipinataw na desisyon Korte Suprema hinggil sa pagtatanggal ng mga asignaturang Filipino at Panitikan sa kolehiyo.

Litaw na litaw sa desisyon ng mataas na hukuman na malayo sa utak at bituka ng kani-kanilang kinasasadlakang pribilehiyo ang desisyong, kung makikilatis, ay nagsisilbi lamang sa interes ng mga iilang naghahari-harian. Kinatigan ng desisyong ito ang nauna nang kahangalan ng CHED Memo No. 20 na naglayong ibaba sa Senior High School ang pag-aaral ng mga asignaturang Filipino at Panitikan, at gayun nga’y lusawin sa antas tersyarya ang pag-aaral sa mga ito.

Bagama’t iminumungkahi ng desisyon na nasa kapasyahan na ng mga kolehiyo at unibersidad ang pagpapanatili ng mga asignaturang Filipino at Panitikan, hindi maikakaila na sa kasalukuyang sistemang pang-edukasyon ng bansa na kolonyal at pyudal at sumususo lamang sa kanluraning balangkas, wala itong pangil upang tupdin at garantiyahan ng mga paaralan na ilagay sa kani-kanilang mga kurikulum.

Kailangan nating matukoy na ang ganitong mga sistematikong hakbangin ng estado ay bahagi ng neoliberal na agenda ng globalisasyon. Pinapatay nito ang kakayahan ng mamamayan na unawain ang ating kalagayan at malaman ang ating kapangyarihan bilang sambayanan, na mariing natatalakay sa mga asignaturang Filipino at Panitikan.

Nasa antas tersyarya ang bukas at malawak na larangan upang magpingkian ang mga ideya. Ang pag-aalis ng mga asignaturang Filipino at Panitikan rito ay pagkakait sa malalim na pag-unawa sa ating pagka-Pilipino.

Ngayon, higit kailanman, kinakailangan ang pagtutol sa lisyang mga patakaran na ipinapataw ng estado sa edukasyon. Nasa wika ang dila ng bayan at nasa panitikan ang mga pangarap at saloobin ng mga Pilipino. Balintunang ituring na ang pagiging disiplinado at makabayan ay maibibigay ng sanlibong squat, pagbibilad sa araw at sandamukal na alimurang natural nang namamayani sa ROTC.

Sama-sama tayong manindigan para sa makabayan, mapanuri at kritikal na edukasyon!

Panatilihin ang asignaturang Filipino at Panitikan sa kolehiyo!

Hindi dapat mamalimos ng awa ang sariling kaluluwa!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here