LAPID: GASTOS SA CAMPAIGN EXPENSES, DAPAT ITAAS!

PARA matugunan ang epekto ng inflation sa gastusin ng mga kandidato sa electoral campaigns, naghain si Sen. Lito Lapid ng panukalang batas para dagdagan ang pondo de kampanya sa national at local elections sa bansa.

Sa Senate Bill No. (SBN) 2460, bibigyan din ng mandato ang Commission on Elections (COMELEC) na mag-update o magtakda ng limitasyon sa campaign expenses depende sa pabago-bagong economic condition dahil sa inflation.

Aamyendahan ng SBN 2460 ang Republic Act No. 7166 o ang “Synchronized National and Local Elections and for Electoral Reforms Act of 1991,” na nagtatakda ng campaign expenses ng bawat kandidato sa halalan.

“Mahigit tatlong dekada na po mula nang isabatas ang R.A No. 7166, at ang tatlong piso hanggang sampung pisong limitasyon sa campaign expenses kada botante ay wala na pong halaga ngayon,” paliwanag ni Supremo sa Batang Quiapo

Sa nakalipas na ilang taon, sumadsad na ang halaga ng piso dahil sa inflation na nagdulot ng pagtaas sa gastusin sa mga aktibidad sa kampanya, kabilang na rito ang advertising, transportation at campaign materials.

“Sa pamamagitan po ng pag-a-update ng mga gastusin sa kampanya, layunin nating gawing mas makatotohanan ang badyet sa kampanya at sumasalamin sa umiiral na presyo ng mga produkto at serbisyo,” dagdag pa ng Senador mula sa Pampanga.

Katwiran pa ni Lapid na matagal ng nakabinbin ang panukala sa Senado simula pa noong ika-16 na balangkas ng Kongreso.

Kung naisabatas umano ito noon pa, giit ni Lapid na mapapakinabangan sana ito ng mga kandidato sa nalalapit na Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa October 30.

Nagbabala si Lapid na ang luma ng batas sa “allowable campaign expenses” ay maghihikayat lang sa mga kandidato at political parties na mag- “underreport” o dayain ang ulat sa kanilang aktwal na gastusin sa kampanya.

Sakaling maging ganap na batas, naniniwala si Lapid na mababawasan ang pandaraya ng mga kandidato o political parties sa pagsusumite ng campaign expenditure reports.

Sa ilalim pa rin SBN 2460, ang campaign expense limits sa bawat botante para sa presidential candidate ay P50, vice-president ay P40 at P30 para sa senator, district representative, governor, vice-governor, board member, mayor, vice-mayor, councilor, at party-list representative.

Hindi naman pinalitan sa ilalim ng panukala ang P5 limitasyon sa mga independent candidate.

Para sa political parties, itinaas ang ceiling cap mula sa P5 ay gagawin ng P30 sa bawat botante.

Binibigyan ng mandato ang Comelec, katuwang ang Bangko Sentral ng Pilipinas(BSP), National Economic and Development Authority(NEDA) at Philippine Statistics Authority (PSA) para magbago ng limitasyon sa campaign expense kada botante base sa inflation rate at consumer price index.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here