NAGPAABOT ng taus-pusong pakikiramay si Senador Lito Lapid sa pagkamatay ng dalawang magiting na sundalo ng Philippine Army sa ginawang pananambang ng mga tauhan ng Moro Islamic Liberation Front(MILF) sa Sumisip, Basilan nitong Miyerkoles ng umaga, January 22.
Sinaluduhan ni Lapid sina Cpl. ORLAND JAMES DIAMEL (Inf) ng Kalawit, Zamboanga del Norte at PFC MARK BARAT (Inf) ng Carmen, Cotabato dahil sa kanilang sakripisyo at pagbubuwis ng buhay para sa bansa.
“Nakikisimpatiya ako sa mga naulila ng ating mahal na mga sundalo sa panahon ng kanilang pagdadalamhati dahil sa pagkawala ng padre de pamilya. Maliliit pa ang kanilang mga anak na naulila na kailangan ng suporta ng pamahalaan. At handa rin po tayong magbigay ng ayuda para makatulong sa mga pamilya nila. Hindi natin malilimutan ang kanilang katapatan at kagitingan sa paglilingkod sa bayan” pahayag pa ni Lapid
Bukod sa napatay na dalawang sundalo, nasugatan din ang 12 tropa ng Army’s 32nd Infantry Battalion sa engkwentro sa mga tauhan ng 114th Base Command of the Bangsamoro Islamic Armed Forces (BIAF), ang armadong grupo ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Umaapela si Lapid sa magkabilang kampo na patuloy na irespeto ang peace agreement at panatilihin ang kapayapaan sa lalawigan ng Basilan.
Noong 2014, ang MILF at gobyerno ay lumagda sa Comprehensive Agreement on the Bangsamoro para sa kapayapaan at kaligtasan ng mga kababayan natin sa Mindanao.