SA MARAMING batayan, lugmok na sa kahirapan ang ating bayan bago pa man ang pandemyang COVID-19. Malawakan ang kawalan ng trabaho, at kakarampot na sahod na ‘di makakabuhay ng pamilya ang sahod kung may mapasukan man.
Ang badyet sa kalusugan at edukasyon ang pinakamababa sa prayoridad ng gobyerno. Sa katunayan, sa 2019 na pambansang badyet para sa kalusugan tinapyasan pa ito ng P10 bilyon. Ganoon din sa sektor ng edukasyon. Ilang beses nagpahayag ng pagpapadagdag ng sahod ang mga gurong pampubliko, subalit nanatiling bingi ang gobyerno sa kanilang kahilingan.
Pinakamalaking alokasyon ang badyet ng sektor ng pambansang depensa. Noong 2018, walang pag-aatubiling dinoble ni President Duterte ang basic pay ng militar at kapulisan at itinaas ang “hazard pay.” Kamakailan din, lumabas ang Commission on Audit (COA) audit tungkol sa paglalaan ng P6.38 milyon para sa “toilet improvements” sa mga opisina ng Department of National Defense (DND) sa Camp Aguinaldo, na kinabibilangan ng paglalagay ng “hot” at “cold” showers sa mga kubeta, at paglalagay ng anim na yunit ng “air-conditioners.”
Binigyang rason ito na dahil umano ang mga upisina ng DND ay itinuturing nang “pangalawang tahanan” ng mga staff, upang umano “maging malikhain at maghihikayat ng produktibong pag-iisip at gawain,” at “pagpapabuti ng indoor air quality” ng mga upisina.
Kalabisan ang paggastos na ganito ayon sa COA. Para sa mamamayan, pagpapasasa ito sa pera ng mamamayang Pilipino. Sa kabila ng kalagayan ng mamamayan na labis labis ang dinaranas na kahirapan, halos walang makain at matirahan, magagarbong luho sa buhay ang inaatupag ng gobyerno ni Duterte sampu ng kanyang alipures.
Lalo’t higit ngayong panahon ng pandemya na lugmok na lugmok na ang mamamayan, na tinapunan lang ng kakapiranggot na ayuda, habang winawaldas ang pera mula sa kaban ng bayan, walang plano at hindi maampatang paglaganap ng COVID-19 sa hanay ng mamamayan. Ang gobyernong Duterte na labis ang pagpapahirap ng mamamayan dulot ng kanyang pasismong estado, militaristang paggamit ng COVID-19 para sa pagsupil ng mga karapatang pantao ng mamamayan, malawakang korapsyon, kontra mahihirap na mga polisiya at patakaran.
Ang Hustisya (Pagkakaisa ng mga Biktima para sa Hustisya) ay nakikiisa sa mamamayan sa pagtuligsa sa kapabayaan ng administrasyong Duterte at sa kanyang mga korap na ahensya ng pamahalaan na nadadawit sa mga katiwalian at pasistang pamumuno ng IATF gamit ang pandemyang COVID -19.
Sa krisis ng ekonomiya sa bansa na kinakaharap ngayon ng bansa na pinalala ng pandemya at ang korapsyon ng gobyernong Duterte, na ipinapakita ngayon ng maluluhong pamumuhay ng mga upisyal ng gobyerno na nagpapasasa mula sa pawis at dugo ng mamamayang nagbabayad ng pabigat na buwis ng TRAIN Law at iba pang bayarin na ipinapasa sa balikat ng mamamayan, ang magbubunsod ng galit sa matagal ng pagtitiis at pagtitimpi ng mamamayan at ‘di malayong maghahatid kay Duterte sa pagbaba sa pwesto gaya ni Marcos na nilabanan at pinatalsik ng taumbayan. – EVANGELINE HERNANDEZ, Pagkakaisa ng mga Biktima para sa Hustisya; ALLIANCE FOR THE ADVANCEMENT OF PEOPLE’S RIGHTS <karapatan-updates+unsubscribe@googlegroups.com>