
“MAIPAGSASABAY ba ng tao ang kanyang pananampalataya sa kanyang buhay pulitika? Sino ang dakilang manunubos pagdating sa pamumudmod ng ayuda?”
May nadidismaya, at meron namang nagagalak, sa balitang ipinagbawal ng Civil Service Commission ang pag-like or share ng mga kawani ng gobyerno sa mga post sa social media na may kaugnayan sa mga kandidato sa nalalapit na eleksiyon. Bakit kaya? Sakop pa ba ng gobyerno ang private account ng tao sa social media? Ano ang dahilan at bakit legal ang ganitong pagbabawal?
Paano kung ang kandidato ay isang malapit na kaibigan? O di kaya’y miyembro ng inyong pamilya? Ang pagtulong ba ay isa ng ilegal na pagsuporta sa mga tao na talagang gusto mo lang mabigyan ng pagkakataon na makapaglingkod sa bayan?
Ano ba ang masamang epekto ng pag-like o share sa kontekstong ito?
Para sa Bayan
Siguro nga may mga bagay-bagay dito sa mundo na mas nangingibabaw ang kapakanan ng lipunan kaysa sa personal na adhikaing makatulong.
Siguro nga, dahil sa puwersa ng social media at “angking galing” ng mga Pilipino sa pag-gamit ng iba’t-ibang social media platforms, mas mainam na mayroong mga gabay at tuntunin sa tamang pag-gamit ng mga social media apps para agad na masugpo ang mga kaugaliang makasisira sa integridad ng proseso at resulta ng ating eleksiyon.
Masarap ang bawal (Isang Saloobin)
Makasalanan ang botante. Erehe ang politiko. Sa bayang punong-puno ang mga simbahan tuwing linggo; sa lipunang pina-iiral ang mga panata at pinupuno ng mga deboto ang mga kalsada: nagtutulakan, nag-uunahan, nakikipagsapalaran, isinusugal ang seguridad ng buhay para maipahiwatig lang ang taimtim na debosyon; sa bayang hitik sa dasalan, saan lulugar ang kasamaan?
“Never have I seen such devout people ruled by so corrupt politicians. Never have I witnessed such a country full of faith but inundated by empty promises. This place where miraculous conversions do happen, is also the place where incorrigible criminals thrive. The gravity of their sins will surely attract many a savior.”
Pag nag-krus ang landas
Sino ang tagapagligtas ng mga mahihirap? Hindi ba ang mga mayayaman? Kayamanan ba ang sagot sa kahirapan? Pera ba ang dapat ipagdasal? Biyaya ba ng Diyos ang bigay na ayuda ng mga politiko?
Kung nagpamisa ang isang partido politikal, nasa panig na ba nila ang Diyos? Paano kung ang lahat ng mga partidong ito ay pumasok sa simbahan at nag-usal ng kani-kanilang mga dasalin? Kanino makikinig ang Diyos Ama? Sino ang paniniwalaan ng Diyos Anak? Ano kaya ang ihahatol sa kanila ng Espiritu Santo?
At ilang diyos ba ang dapat dasalan ng isang kandidato? Aba, kung para sa bayan, puwede naman sigurong sabayan sa pagdarasal ang lahat ng mga botante. Puwede naman sigurong mag-alay sa iba’t ibang altar para sa ikauunlad ng komunidad. Nararapat lang na lumuhod at humingi ng suporta ang ating kandidato sa lahat ng mga diyos na sinasamba ng lahat ng mga botante.
Pag nagkaganito, ang kandidatong ito na siguro ang pinakarelihiyosong nilalang sa balat ng lupa. Nakabibilib ito. Dahil kung ang iba ay ipinaglaban pa ang kanilang diyos hanggang kamatayan, ang kandidatong ito naman ay naniniwala na kailangang ipagtanggol ang lahat ng mga diyos, diyosa, at diyos-diyosan na umaaligid sa kahit saang sulok ng lugar.
At nakamamangha. Kung ang mga dalubhasa sa pananampalataya ay hindi makita ang pagiging isa ng lahat ng mga relihiyon, ibahin mo ang kandidatong ito. Kaya niyang yakapin ang lahat ng mga paniniwala, kaya niyang tanggapin ang magkaibang interpretasyon ng kabanalan. Alam niya ang topograpiya ng mga langit, impiyerno, at purgatoryo sa mapa ng Pilipinas.
Pero ang pinakadakila sa lahat ay ang botanteng Pilipino. Kung si Kristo ay pinako sa krus ng mga Romanong sundalo, hindi naman magpapatalo ang botanteng Pilipino sa karahasang ito dahil siya na mismo ang pumako sa kanyang sarili.
Pero kung si Kristo ay nagpapako para sagipin ang sangkatauhan, isang misteryong dapat bigyan repleksiyon, ang botanteng Pilipino naman ay pinako ang sarili dahil sa walang kuwentang paniniwala sa mga diyos-diyosan: isang katangahan na nagpapatunay na ang pagiging inutil ay sadyang walang solusyon.
Pero hindi rin magpapahuli ang ating kandidato. Dahil kakabigin niyang siya ang solusyon sa ating mga suliranin, ang tagapagligtas ng mga inutil, ang sagot sa ating mga dasal.
At ang kandidatong ito ay ating iboboto. Siya ay mananalo: ang dakilang manunubos nating lahat. Ang epal na maykapal.
Aminin./PN