BY SUSAN ANDES
KUNG may isang nangingibabaw na katangian ang isang Pilipinong nangingibang bayan, lalo na ang mga OFW na nagtatrabaho sa ibayong dagat, yaon ay ang pagtataglay nila ng hindi pangkaraniwang lakas ng loob.
Paano nga namang makakayanan ng isang nag-aabroad ang pagtatrabaho sa isang bansang ni hindi pa nga niya naapakan sa buong buhay niya, pero handang harapin anuman ang abutan niya doon at higit sa lahat, handang tiisin ang lungkot na mawalay sa pamilyang pinakamamahal sa loob ng ilang mga taong kontrata.
Talagang sadyang malakas ang kanilang mga loob. Dahil para sa kanila hindi na ito ang panahong dapat pa silang panghinaan ng loob.
Pero kahit gaano pa kalakas ang loob ng isa, may mga panahon at pagkakataon ding hindi na nila makayanan ang mga problemang kinakaharap at dumarating sa puntong sumusuko na sila.
May mga nababalitan tayong nagpapakamatay na lamang, tumatalon mula sa mga matataas na gusali, umiinom ng lason at marami pang ibang mga pamamaraan upang tapusin ang regalong buhay na taglay.
Bakit nga ba napakaraming problema ng tao? Bakit tila yata walang katapusang mga problema ito.
May mabisang paraan nga ba upang magkaroon ng lakas ng loob at karunungan na makayanang harapin ang sangkatutak na problema ng sangkatauhan?
Mayroon naman! Palaging may solusyon ang bawat problema. Nagkakataon lamang na, dahil sa dami at laki ng problema ng tao, natatabunan na siya nito at wala nang solusyong makita pa.
Kaugnay nito, may napapanahong Regional Convention na idinaraos ang mga Jehovah’s Witnesses sa buong mundo na pinamagatang “Be Courageous”. Nagsimula ito sa buwan ng Mayo at magtatapos hanggang Setyembre.
Tatalakayin dito ang mga praktikal na paraan upang makapagtamo ng lakas ng loob na harapin ang samu’t-saring mga problema ng tao tulad ng labis na kahirapan, kawalan ng trabaho, kulang na pasahod, takot dulot ng terorismo, pagkalulong sa droga, lumalaganap na kriminalidad at marami pang iba.
Sa pamamagitan ng mga pahayag at pagpapakita ng mga video, matutulungan ang kanilang mga tagapakinig na taglayin ang lakas ng loob sa tulong ng mga simulain ng Bibliya.
Saan man naroroon ang ating mga kababayan sa iba’t-ibang panig ng mundo, maaari ninyong bisitahin ang kanilang website www.jw.org upang malaman ang mga lugar na pinagdarausan malapit sa inyong kinaroroonan.
Sa Pilipinas, may 154 na mga kumbensiyon ang kasalukuyang idinaraos sa buong kapuluan tuwing araw ng Biernes, Sabado at Linggo. Ito ay bukas sa publiko, lahat ay inaanyayahan sa libreng mga pagtitipong ito.
***
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM (M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com/PN