
“The way to have power is to take it.” –William “Boss” Tweed
PAG-USAPAN nating muli ang kuwento tungkol kay Araw at kay Hangin. Kung inyo pang naaalala, sa kuwentong ito, hinamon nila ang isa’t-isa para patunayan kung sino nga sa kanilang dalawa ang mas malakas.
Pero hindi nila inatake ang isa’t-isa. Walang labanan na naganap. Walang sagupaan na nangyari. Walang mapanirang apoy na lumusaw kay Hangin. Walang nakawawasak na bugso ng hangin ang dumurog kay Araw.
Imbis na harapin nila ang isa’t-isa para malaman ang katotohanan, pinagbalingan nila ng pansin ang walang muwang na manlalakbay. Hindi alam ng Tao na ang Araw na nagbibigay liwanag sa kanyang dinaraanan at ang Hangin na nagbibigay ginhawa sa kanyang buhay ay may hidwaan.
Ni hindi naisip ng Tao na may mga di-pagkaiintindihan din pala ang mga bagay-bagay sa kanyang paligid. Na may paparating na sakuna o di kanais-nais na kaganapan na nakatuon na sa kanya. Sa kuwentong ito, inosenteng ipinagpatuloy lang ng Tao ang kanyang paglalakad. Pero alam mo na, at sabik ng hinihintay ng mambabasa, ang susunod na mga pangyayari: ang palakasan ni Araw at ni Hangin.
Ng walang pahintulot, naging bahagi ang Tao—naging sentro—sa isang pagsubok na kung tutuusin ay isa lang namang walang kuwentang kompetisyon ng dalawang elemento ng mundo. Kuwentong kayabangan lang mga Gar. May sa kamunduhan din talaga itong si Araw at si Hangin. Na dahil sa kanilang pansariling interes, ay ginambala pa nila ang tahimik na paglalakad ng Tao.
Siguro ay alam mo na kung paano pinatunayan sa kuwento na si Araw ay mas malakas kaysa kay Hangin. At dahil kuwentong pambata nga ito, mayroong aral at magandang gabay na ipinayo sa mambabasa. At diyan na tinapos ang kuwento.
Pero kung makapagsasalita lang sana si Tao, at kung siya ang tatanungin, marahil ang kanyang isasagot ay: “Uminit lang bigla ang panahon pagkatapos ng napakalakas na hangin.”
May sa kung anong kababalaghan ang kanyang naranasan na maganda sanang i-post sa kanyang Facebook o Instagram. Puwede niyang ibahagi sa iba ang dahilan ng kanyang paghubad ng damit. Siguradong pag-uusapan siya. Siya ang magiging bida. Kukutyain ng kanyang mga followers ang pagmamalabis ni Araw at ang karahasan ni Hangin.
Magiging laman ng mga news network ang pambihirang paglalakbay ng Tao. Pag-uusapan muli ang climate change at may mga suhestiyon sa kung ano ang mga nakababagay na disenyo ng pananamit (OOTD) bilang paghahanda sa ganitong pangyayari.
Ibang klaseng pangyayari. Usapang kapangyarihan, kayabangan, at hubaran. Usapang may kainitan. Usapang puno ng kahanginan.
Sa kabilang banda, ang mga kuwentong pambata ay puwede ring bigyan ng ibang interpretasyon. Magiging kuwentong pang matanda. Na dapat ding tandaan ng mga kabataan. Dahil kung minsan, ang mga magagandang aral na laman ng mga kuwentong ito ay mistulang nagiging mga gunita na lang ng matatanda.
Samakatuwid, ang mga butihing aral ng mga kuwentong pambata ay nagsisilbing alaala (at paalala) ng ating pinagmulan na hindi rin natin matumbok kung kailan nga talaga nagsimula ang ating panimula.
Saan galing ang kayabangan ni Araw at ni Hangin? Saan galing ang Tao at doon siya napadaan? Bakit kailangan pang ibida ang sariling kayabangan? At sa daming puwedeng isali sa kompetisyon, bakit ang Tao ang napili? Talaga bang mas malakas si Araw kaysa kay Hangin?
Sa ibang konteksto, sino nga ba ang may tunay na kapangyarihan sa lipunan? Ang kanditato? Ang botante? Ang mga negosyante? Alam mo ba kung sino? May pake ka bang malaman kung sino?
Pero hindi natin maipagkakaila na sadyang may kapangyarihan ang iba sa atin. At ang kapangyarihang ito ay nakasasama o nakabubuti sa karamihan. Suwerte mo kung hindi ka sinali sa kanilang kayabangan sa palakasan. Malas mo kung napadaan ka sa kanilang teritoryo at ikaw ay nakursunadahan.
Sino ba ang naglalagay sa kanila sa puwesto?
“Knowledge is not power. Power is power.”—Cersei Lannister/PN