Mga Pagbabalik-tanaw (1 of 5): Ang Tunay na Diwa ng Pasko

BY EDISON MARTE SICAD

Ngunit itong ating buhay
talinghagang di malaman
matulog ka nang mahusay,
magigising nang may lumbay.

-Ibong Adarna

BAGAMAT ang nagpapatatag ng isang tradisyon ay ang pagpapahayag ng mga paniniwala na naaayun sa mga aral ng awtoridad, ang pagdiriwang ng Pasko ay nahahaluan na ng mga makabagong ideya na kung minsan ay ibang-iba o salungat sa tunay na mensahe ng selebrasyon. 

Dala na marahil ng impluwensiya ng socmed, ang naratibo ng Belen (mula sa salitang Espanyol na ibig sabihin ay Bethlehem, lugar ng kapanganakan ni Hesus) ay naging kwentong-personal.

 Ika nga, ang unibersal na teksto na nagbibigay ng sagrado at espirituwal na kahulugan sa Pamilya at ang kwentong-ebanghelyo ng Pag-ibig at Sakripisyo na may temang Kristiyano (pangakong kaligtasan, kay Hesus makakamtan), ay parang naiwan na sa sabsaban.

Ang banal, simple, at tahimik na imahen ng Belen, ay ipinagdiriwang sa mga nakakahilong aktibidades na puno ng sayawan at hiyawan—sa pagkanta.

“Hindi mahimbing ang tulog ng sanggol sa Belen — tuwing kapaskuhan.”

Sa modernong panahon, naisalin na sa personal na pananaw at isyung panlipunan ang kabanalan ng Kapaskuhan.

Sa gitna ng kasiyahan, may isang post sa social media na napapalibutan ng pighati. Tungkol ito sa pagluluksa ng isang asawa na naging kadahilanan ng kanyang poot. Sa pagkamatay ng kanyang kabiyak dahil sa malalang karamdaman, kinasusuklaman na niya ang pagdaraos—ang kasiyahan—ng Kapaskuhan.

At talaga namang nakapanlulumo ang kanyang pinagdaanan. At kahit sabihin man natin na normal lang ang mawalan ng mahal sa buhay, tanging siya lang ang nakakaalam at nakakaramdam kung gaano kasakit ito.

Habang ang karamihan ay nasa kani-kanilang mga tahanan at nagsisipaghanda, siya ay nasa ospital at naghahanda rin—naghihintay nalang—sa pagdating at pagtatapos ng mga huling sandali. Dahil hindi rin natin maitatanggi na ang saysay ng kasaysayan ng Pasko ay naisasabuhay at ipinagdiriwang kasama ang mga mahal sa buhay.

Hindi ganun kadali. Nakakalungkot at mahirap tanggapin na wala na at kailanman ay hindi mo na maririnig ang boses, ang mga tawa, ang higpit ng mga yakap; na hindi mo na siya kasama. Na isang alaala nalang ang lahat. 

Masakit na sa damdamin ang bumati ng “Maligayang Pasko!” At hindi na masaya ang Christmas songs. Sa personal na pananaw ng isang balo, wala nang saysay ang Pasko.

Sa kabilang banda, meron ding haka-haka na ang batayan ni Santa Claus (na kinikilalang si Santo Nikolas sa Kristiyanismo) sa pagbigay ng regalo ay hindi naaayun sa pagiging masunurin ng bata. Ibig sabihin, ang kapilyohan ay hindi diskwalipikasyon sa paghingi at pagtanggap ng regalo. Sa ibang salita, ang Kapaskuhan ay wala sa “naughty or nice list.” Dahil kung tutuusin (masakit mang aminin), ang Kapaskuhan ay nakadepende sa nilalaman ng bulsa.

Kaya sa progresibong sistema ng kapitalismo, mas malapit si Santa Claus sa may mga pribilihiyo sa buhay. Ika nga, mas mararamdaman ang diwa ng Pasko sa dami ng handa, sa laki ng bonus, at sa mga nakakabighaning post sa social media.

Welcome na welcome si Santa sa mga malalaking bahay na may iba’t ibang Christmas trees at nakasisilaw na Christmas lights. At isa pa, bilang hango sa kulturang pangkanluran, mahihirapan si Santa sa pagbisita sa mga iskwaters area dahil wala namang chimney ang mga barong-barong.

Buti nalang, namudmod nang SRI ang gobyerno. Aminin na natin. Mas masaya ang Christmas pag may pera. “Sa pera, may pagkakaisa.”

Ipagpaumanhin niyo po kung may pagkutya ang aking pagpapahiwatig. Ito ay bahagi lang nang aking estilo sa pakikitungong akademiko para sa kritikal na pag-iisip na siyang mag-uudyok sa mambabasa na timbangin ng patas ang mga konklusyon patungo sa katotohanan at hindi lang basi sa sarling inklinasyon.

Ano ang aking mga natutunan sa mga nagdaang araw na siyang magiging gabay sa taong 2023?

Makalumang pagbabago (dahil parang inulit lang ang mga pangakong napako):

1. Ang pagbigay respeto at konsiderasyon pero hindi nilalagay sa alanganin ang sariling adhikain

2. Ang pagsusuri sa sariling kaisipan na may pagmamatyag sa mapanglinlang na paniniwala dala ng modernong teknolohiya

3. Ang hindi pagsasayang ng oras sa mga walang kwentang (kwentong) tao at kadramahan na walang silbi: na ayun kay Jun Cruz Reyes, “ng walang katapusang hu hu hu, na nakakaiyak na’y malamang mauwi pa sa alta presyon…”

Gusto ko lang linawin na ito ay hindi pagbabalewala sa dinadanas na kalungkutan ng iba. Ang sa akin man lang ay huwag mawalan ng pag-asa. Dahil kakambal ng Belen ang Kaligtasan. Kakambal ni Hesus ang Krus. Ang pagdiriwang ng Pasko ay isa ring paghahanda sa nahaharap na mga pagsubok.

Ang pagkalungkot ay pahiwatig na may kakayahang maging masaya. Matalinghaga nga ang buhay. Na para lubos na maunawaan ang mga pangyayari, ay dapat may taimtim na paniniwala sa Amang Diyos.

BILANG KONKLUSYON, ang ating mga personal na karanasan ay huwag hayaan na maging alternatibong saysay na magbabaklas sa pundasyon sa sagradong pagdiriwang ng Pasko. Ang tunay na saya ay nasa ating espirituwal na tugon sa mga moderno at nakakahikayat na mga gawain.

Dahil ang tunay na diwa ng Pasko ay hindi ang komportableng buhay na walang problema. Ito ay ang pagkakaroon ng pag-asa na siyang magbibigay lakas sa pagharap sa mga problema.

Sa mundong puno ng pagdurusa at hapis, hindi sapat ang pagiging makatao o intensiyon na maging makabayan. Higit sa lahat, tayo ay dapat mamuhay na maka-Diyos./PN

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here