BY EDISON MARTE SICAD
“MADAYA ang ating alaala. Pinipili lamang nito kung ano ang ating aalahanin. Pinipili rin nito kung papaano natin aalalahanin ang mga gusto nating alalahanin.” (Hango sa libro ni Allan N. Derain na pinamagatang Ang Banal na Aklat ng mga Kumag.)
Noong nakaraang taon, buwan ng Disyembre, dumalo ako sa aming hayskul reunion. Inihayag ng tarpolin kung gaano na katagal—at parang kailan lang—ang naglipas na panahon: It’s been 25 years! Reminisce. Rekindle. Reconnect.
Humigit dalawang dekada na pala ang mga alaala ng mala-inosenteng pag-iibigan, kakatwang kapilyohan, at karunungang halos lahat ay nakalimutan na. At sa pagtitipong ito, pagsasama-samahin namin ang mga pangyayari, punan ang mga espasyo, magbabalik-tanaw, habang hinuhugot ang kasiyahan na nakabaon sa isipan.
Sa loob ng gymnasium, ang bawat seksyon ng USA High School Batch ‘97 ay may handang pagkain na may temang “Piyestang Pinoy.” Siyempre, halos lahat ng kiosks ay may lechon na habang ang balat nito ay pinagpipipyestahan, may kasabay na payo sa isa’t-isa na maghinay-hinay lang dahil baka mauwi sa altapresyon.
Kahit papano, nakatataba ng puso ang ganitong mga paalala.
Noong hayskul, naghahabulan pa: akyat-baba sa hagdan na ang pag-hingal ay hindi tanda ng pagod kundi pagbigay daan sa malugod na pagtawa na sa kung anong dahilan ay hindi ko na matandaan. Siguro, sadyang masaya lang mapagod. Ngayon, umupo ka lang at mag-isip ng mga gawain, malamang napagod kana at iinom muna ng kape.
Ngayon, hindi na soft drinks ang hawak. Hindi na bawal ang uminom. Nakatutuwa na sa mga kiosks ay naka-display lang sa harap ng mga guro ang samu’t-saring inumin.
Kasi noon, nakalagay sa water jug ang “pulang kabayo.” At pahirapan ang mag-mix ng gin: parang mahika at puno ng ritwal pa noon na binubuksan at pinapatong pabaliktad ang mixer sa bote ng gin at tinitingnan ang makulay na paghalo ng “espiritu” na parang hipnotismo sa kung anong kulto. At matapos ang matagumpay na pagbalanse ng dalawang bote para makuha ang tamang timpla, ay uumpisahan na ang pambungad sa laklakang programa (ito ay ayun sa aking obserbasyon lang naman).
Kung tutuusin, lahat ng bawal (at ipinagbabawal) noon, ay malaya na naming magagawa—o ginagawa—ngayon. Hindi ko naman sinasabi na parang selda o kulungan ang paaralan (hehe) kung saan ipinagdamot sa kabataan ang kalayaan ng pamumuhay bilang kaparusahan. Dahil kailangan nga naman ng disiplina; disiplina na ngayon ay pinaiiral na natin sa ating mga anak dahil alam natin na ito ay para sa kanilang ikabubuti sa pagdaan ng panahon.
At dito sumesentro ang aming mga usapin noong reunion: sa pagdaan ng panahon.
At sa mahigit-kumulang 25 taon na hindi pagkikita, hindi maiiwasan ang mga tanong sa muling pagtitipon-tipon. Dahil sa mga kasagutan napupunan ang mga espasyong naiwan ng alaala. Ang mga sagot ang magsisilbing tulay para maikonekta ang Noon sa Ngayon. At sa aming hayskul reunion, pupunuin ng mga bagong alaala ang Ngayon batay sa mga alaala ng Noon.
Bakit ba tayo nagtitipon-tipon? (Na may kasunod na mga tanong: Sino ba talaga ang crush ni ano?, Nagkatuluyan ba si kwan at si kwan?, Nasaan na si ano ngayon?, Ilan na ang iyong anak?, Bakit hindi ka pa nag-aasawa?, Alam mo ba ang latest?, Kailan ang next reunion?)
Iba ang saya na dulot ng nakaraan—ng hayskul life. Dahil kung anong galit noon ni Sir at ni Ma’am ng malaman na nag cutting-class, ngayon ay dinadaan nalang sa tawa. Ba’t ganun? Bakit katuwaan ang kadugtong sa pag-alala—at pagtuklas—sa mga kapilyohan ng nakaraan?
Bakit ba kailangang balikan at alalahanin ang nakaraan? Kung tutuusin, tapos na ang mga ito (wala ka nang magagawa). Minsan kasi, may mga kabiguan din na nakakabit sa mga Noon na nakasisira sa kasiyahan ng Ngayon. At mapapatanong ka nalang sa sarili: “Magkano na ang aking naipon?, Ano na ang aking naipundar?, Aatend pa ba ako sa susunod na reunion?
Dahil ang paglimot ay tanda rin ng pagpapatuloy ng may magaang saloobin (kaya mag move-on kana nga). Sa kabilang banda, ang pagbigay halaga sa mga nakalipas ay isa ring karunungan na gumagabay at nagpapatatag ng loob sa mga pagsubok ng buhay.
Ayun nga sa Teorya ng Pangangailangan ni Maslow, ang Tao ay may mga pangangailangan na dapat niyang maisakatuparan o makamtan sa pagdaan ng panahon. Sa pabirong salita, dapat wala kang “back subjects” dahil sa iyong pagtanda ay hahanap-hanapin mo rin ang mga ito (hala ka, hehe).
Ano ang aking natutunan sa aming hayskul reunion?
1. Ang kahalagahan ng Pamilya lalo na ang impluwensiya ng ama sa mga anak
Simbolo ng katatagan, at sa totoong buhay (bahay), bilang haligi ng tahanan, ang ama ang siyang magbibigay lakas sa mga anak. Kasama ang ina sa pag-aaruga, sa pagdaan ng panahon, ang mga anak ang siyang magpapatuloy ng mga alaala.
2. Na hindi ganun kahalaga ang mga grado at huwag padadala sa opinyon ng iba kung talagang gusto mong makamit ang iyong mga pangarap
Iba ang leksiyon sa totoong buhay. Mas marami at mas masakit ang mga kapalpakan dala ng pakikitungo sa iba. Pero dito masusubok ang katatagan ng isang tao. Dahil hindi nagtatapos ang pag-aaral paglabas ng paaralan. Kung tutuusin, mag-uumpisa palang ang tunay na pag-aaral pagkatapos ng graduwasyon. At ayun sa kasabihan, “Huwag mong gawing realidad ang mga opinyon ng tao tungkol sa’yo.”
3. Dapat maging matapang at responsable sa harap ng mga pagkakamali at kabiguan.
Huwag masyadong madrama sa mga kamalian, kritisismo at paghihirap. Huwag puro social media sa pagpahayag ng mga pagkadismaya. Huwag maging galit sa mundo dahil wala namang pakialam (o utang na loob) ang mundo sa’yo. Magtrabaho ka. Huwag puro reklamo at scroll lang.
BILANG KONKLUSYON, may ispirituwal na koneksiyon at kalayaang-pagkakataon ang magandang kamalayan sa buhay. At siguro, ito ang kasiyahan ng mga alaala. Na kaya nating bigyan ng saysay at ibahin (o bagohin) ang konteksto ng nakalipas para sa ikabubuti ng hinaharap. Na ang kabuluhan ng kasabihang “Ang hindi marunong lumingon sa pinanggalingan, ay hindi makakarating sa paroroonan” ay nakadepende sa responsableng pananaw na ang Noon ay isang aralin na dapat matutunan para sa ikatatagumpay ng Ngayon./PN