BY EDISON MARTE SICAD
“Maliit na butas lumalaki, konting gusot dumarami;
Hindi mo maibabaon sa limot at bahala
Kapag nabulag ka-hah-ng maling akala…”
– mula sa kantang “Maling Akala” ng bandang Eraserheads
IBIG sabihin, may mga “tamang akala” rin. Na ang pagkakatulad nito sa “maling akala” ay ang lakas ng loob (o angas) ng tao na ipagpatuloy ang plano kahit na walang katiyakan ang resulta ng desisyon. At dahil sa kutob—o bilib sa sarili—ay naging matagumpay rin sa huli.
Maiba lang ako sa mensahe ng Eraserheads. Tama nga naman na dapat usisain at suriing mabuti ang mga plano sa buhay lalo na kung ito ay makaaapekto sa iba.
Pero hindi ang ganitong pananaw ang gusto kung pagtuunan ng pansin. Sa ngayon, ating bigyan diin—na may kaunting pasasalamat—ang mga pagkakataon na tayo ay naniwala, na kaya natin kahit na medyo may pag-aalinlangan.
Pero mabalik lang sa kanta: Paano mo ba malalaman na nabulag ka nga? Kailangan ba talagang maging sigurista sa lahat ng bagay? Baka kahinaan lang naman ang mga ito dahil sa takot na mabigo o mapahiya. Na magmukhang tanga, ika nga.
At ang “maling akala” ay baka may kagandahan din ng loob ang intensiyon; pero dahil sadyang mapaglaro ang tadhana, naging kasuklam-suklam ang kinahinatnan.
At dito nakasentro ang kwentong kolehiyo ng aking buhay.
Ang kwentong ito ay nag-umpisa sa pagtatapos ng aming hayskul graduation: dahil wala akong nasungkit na ano mang medalya o rekognasyon.
Talagang sumama ang loob ko dahil habang tinatawag sa entablado ang aking mga kaklase, aking napagtanto na kaya ko rin sanang maabot ang mga ganung parangal—at mapalakpakan ng mga tao.
Sa halos tatlong oras na programa, panay nakaupo lang kaming pamilya. At doon nag-umpisa ang isang akala—o planong baguhin ang direksiyon ng aking buhay: Na sa aking pagtatapos sa kolehiyo, maraming medalya akong masusungkit.
At narinig ng langit ang aking hinaing:
1. Nakuha ko ang Cum Laude.
Sa kolehiyo, natuto akong maging responsable; naging masugid na mag-aaral; kinagiliwan ang pagbabasa ng libro, at gumigising ng maaga para mag-review. Gumawa din ako ng sariling balangkas na tinawag kong “Daily Recitation Chart.” Naging “tunay na estudyante” ako, ika nga.
Binasa ko ang College Student Manual at pinag-aralang mabuti kung papaano maging Dean’s lister. Nagkulong ako sa bahay. Malimit na naglakwatsa. Dahil ang aking akala ay naging taimtim na paniniwala na kaya ko ito.
2. Nakatanggap din ako ng tatlong medalya (Theater, Debate, at Leadership).
Sa dami ng mga kompetisyon kong sinalihan at napanalunan, yung mga guro ko noon sa elementarya at hayskul ay hindi makapaniwala at sadyang nagalak sa aking pagbago.
At dahil dito, mas masakit ng matalo. Dahil sa kung anong taas ang naabot ay siya ring ingay ng lagapak. Minsan, natakot na akong sumali sa mga paligsahan; baka matalo—dahil parati na akong nananalo.
3. Maraming kabiguan ang nangyari.
Maraming kaguluhan at sama ng loob na mga kaganapan na ako ang naging salarin. May mga tao akong binigo; nawalan sila ng tiwala sa akin.
Ito na marahil ang pinakamagandang leksiyon na aking natutunan sa kolehiyo: na hindi lahat ng tagumpay ay nakaayun sa mga parangal at grado, kundi nasa pakikipag-kapwa tao.
Ang kamalian kung ito (sa kabila ng aking mga tagumpay), ay hanggang ngayun nakakaimpluwensiya ng aking buhay. Parang yin and yang. Dahil sa langit din nagmumula ang kadiliman at pag-ulan.
Ito ang kwentong kolehiyo na kung aking maalala, ay hanggang ngayun nakabibigay ng pagsisisi at katuparan, babala at inspirasyon, kalituhan at tiwala sa sarili.
Sa kwentong ito, ako ang bida at kontrabida.
BILANG KONKLUSYON, ang hindi pagsisi sa huli dahil ginawa mo ang isang bagay kahit na ito ay naging isang kabiguan ay nakagagaan ng loob. Tinatawag din itong “Regret Minimization Framework” na pinasikat ni Jeff Bezos. Isa itong paniniwala na dapat sa pagtanda ng tao ay hindi niya maisip na nasayang ang mga pagkakataon dahil nagawa niya ang isang bagay kahit na ito ay naging palpak o nalugi.
Maling akala ba na maniwala sa isang bagay na parang imposibleng gawin dahil hindi mo pa nagawa ito o hindi ka sigurado na ikaw ay may kakayahan o abilidad na ito ay gawin?
Maling akala ba kung may pagkadismaya sa resulta ng layunin o kasamaan ng epekto?
Kung ganun, papaano haharapin ng tao ang isang pagsubok at papaano niya gawan ng mabuting kahulugan ang mga alaala dulot ng “maling akala?”/PN