Mga Pagbabalik-tanaw (5 of 5): Mga naunsiyaming kilig

“Singhalaga rin, ano’t anuman
ng pagkain ang pagmamahal.”
– Gabriel Garcia Marquez

SA PELIKULANG My Amnesia Girl, na pinagbibidahan nina John Lloyd Cruz (Apollo) at Toni Gonzaga (Irene), ang kwentong pag-ibig ay sumesentro sa muling pagbuhay sa pagmamahal ni Irene na siyang kinitil ni Apollo nang hindi nito itinuloy ang kasal.

Nang naudlot ang kasal, muling nakita ni Apollo si Irene sa isang mall. Napagtanto ni Apollo na mahal niya talaga si Irene (mga lalaki talaga, hay naku) at kanyang nilapitan ang ex-bride.

Akala ni Apollo ay masisiyahan ang sinta sa kanilang muling pagkikita na siguro ay hindi naman aksidente lang at talagang itinadhana ng kapalaran ang kanilang pagtatagpo sa mall.

Pero walang kilig sa mga mata ni Irene; parang estranghero lang itong si Apollo sa kanyang harapan; nag-hello at nagpatuloy sa pamimili. Hindi makapaniwala si Apollo sa nangyari.

Ang hindi alam ni Apollo, wala talagang amnesia itong lukaret na si Irene. Para makaganti, nagkunwa-kunwari lang siya na walang Apollo sa buhay niya. At sa mall, naging tabla na ang iskor ng naunsiyaming magsing-irog.

Muli kayang mapaniwala ni Apollo si Irene sa kanilang pagmamahalan? O sadyang naka-move on na itong ating damsel-in-distress at kampeonato na sa kategoriyang Independent Woman?

Ayokong maging spoiler, so panoorin nyo nalang ngayong Valentine’s Day. Pwede ring panoorin nyo ulit para bigyan kilig kahit man lang ang inyong imahinasyon.

***

Pula ang kulay ng mundo. Sa araw na ito, namumukadkad ang mga bulaklak sa mga malls at eskinita: nag-hahalina sa mga pusong dinuduyan ng pag-ibig. Mamula-mula ang pisngi ng mga tao. Sa hawak na mga bulaklak at hawak na kamay, ang buwan ng Pebrero ang siyang opisyal na deklarasyon na wala na ang social distancing. 

Dito makikita ang kagandahan (o katangahan) ng pakikitungo o pakikipagrelasyon. Ayun nga kay Haring Priam, iba ang ipinakikitang tapang ng isang sundalo na nakikidigma hindi dahil sa gahum ng pagsakop kundi dahil sa gahum ng pag-ibig. At ‘yun nga. Binihag ni Paris si Helen, na siyang asawa ni Henelaus. (Panoorin nyo na rin ang pelikulang Troy o basahin ang epiko ni Homer.)

Pero masyadong teoretikal at matalinghaga ang ganitong pakikipagtalastasan. Punta tayo sa isang balita:

Ayon sa Population Commission (POPCOM) maraming menor (edad 10-14 taon) ang nabuntis (o nadisgrasya) ng mga mas nakatatandang lalaki (edad 21 pataas).

At dagdag pa ni Lolito Tacardon, POPCOM’s deputy executive director:

“At hindi lang 21, mayroon pang mga 30 or 40 years old na nakikita sa datos na ‘yun. So, in such a kind of relationship, I think mayroong possibility of sexual abuse but ayon nga kailangan natin talagang masusing pag-aralan para masigurado tayo sa ating intervention.”

Ano kaya ang masasabi ng mga magulang ng mga menor na ito? At paano napunta sa sitwasyon na nakikipagrelasyon ang isang menor sa mas nakatatandang lalaki? Anong uri ng abuso ba ang nagaganap?

Dahil kung walang laman ang sikmura, mas mananaig ang kalamnan ng tiyan kaysa sa moralidad ng lipunan. Sa ibang salita, nakakabusog din ang pagmamahal—o pakunwaring pagmamahalan.

***

Maraming anggulo ang kwentong pag-ibig. Pero sa kapitalismong sistema ng ekonomiya, ipinagdidiin ng lipunan ang romantikong interpretasyon at ekspresyon—dahil ito ang magandang pagkakaperahan.

Wala namang masama kung bigyan “halaga” ang pagmamahalan sa araw na ito. May ibang saya—na mararamdaman bilang isang kilig—ang magmahal at mahalin ng minamahal. Isa nga itong biyaya na nagiging sakramento sa bisa ng kasal. Dahil ang pakikitungo sa tao at pagkakaroon ng sariling pamilya ay may sagradong elemento. Sa anggulong ito, nabibigyan saysay ang koneksiyon ng sakripisyo sa pag-ibig, ang responsibilidad ng tao sa kapwa tao, at ang tunay na halaga ng pag-aaruga at pakikipaglaban sa kapakanan ng mga mahal sa buhay.

BILANG KONKLUSIYON, ang batayan ng tunay na pagmamahalan ay maisasakatupran sa maraming paraan. Hindi natin maipagkakaila na malakas ang impluwensiya ng social media sa paghubog sa kaisipan ng mga kabataan na minsan ay hindi kayang tupungan ng mga magulang.

Pero kung sadyang tunay na pag-ibig nga ang pakay, ang pinaka-angkop na halimbawa ay ang imahen ng isang inosenteng tao na ipinako sa krus. Dahil ang kagandahan ng pag-iibigan ay nasa taos-pusong pag-unawa sa iba at pagbigay respeto sa dignidad ng tao.

Pag ganito, ang mga kabiguan ay hindi mauuwi sa naunsiyaming kilig, kundi ay magiging isang leksiyon sa pagpapakatao. At sa kontekstong metapisikal, isang sangtipikasyon ng pakikipagkapwa tao./PN

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here