I’M TAKING a break from column writing to satisfy my need for a complete rest from words. But I can’t leave my five, or five hundred, or five thousand, or fifty thousand fan readers wondering where I am in the world. Even if the answer is clearly “Canada” at this time.
So here are some poems on poetry I worked on earlier in the year. Enjoy!
***
WHO IS A POET? LET ME COUNT THE…
by Peter Solis Nery
Hindi nga — si William Shakespeare,
Sina Walt Whitman at Geoffrey Chaucer,
Hindi nakapagkolehiyo? Wala ring
University education sina Homer,
Virgil, Dante, Sappho, at Basho?
Wala ba talagang PhD sa Literature
Sina John Keats at William Butler Yeats?
Wala bang MFA sa Creative Writing
Sina Robert Frost at Charles Baudelaire?
Pati si William Blake? O si Elizabeth
Barrett Browning ng Sonnet No. 43
From the Portuguese—“How do I love
Thee? Let me count the ways…”?
Dios mio, Marimar! Kung hindi ito tula,
Hindi rin ito nagmamaang-maangang
Mga katanungan lamang; ito ang pag-asa,
Ang sagot sa tanong ng mga makatang
Hindi nakapag-aral sa mamahaling
Akademiya ng literatura’t pagtutula.
***
HANGIN ANG TULA
by Peter Solis Nery
Ewan ko ba kung bakit nais ng iba
Na maging mandirigma ang makata
O kung bakit kailangang makipagtunggali
Sila sa tula. Bakit makikipagdigma sa
Mga salita o sa kawalan ng ideya’t sasabihin?
Bakit pipiliting punuin ng tinta ang papel?
Ang tula ay iniluluwal ng mga nagdadalang-tula
Hindi isinusuka ng mga lasing o nakainom o adik
Hindi iniebak ng mga nakalulon ng isang buong
Pakwan—na napagkamalang poetic inspiration.
Ang tunay na tula ay magaan; ang Musa ay
Nakalutang, mabangong simoy ng hangin
Sumasayaw, masayahin sa lawiswis-kawayan.
‘Wag piliting umutot ng tula para lang magpautot.
***
SI JESUS AT ANG LABINDALAWA
by Peter Solis Nery
Masaya ako sa pagtutula
Gusto kong nilalaro-laro
Ang mga salita, binabali-baliktad
Ang mga tradisyunal na isipan
Mga nakasanayang kamalian
Gustong-gusto kong ginugulat
Ang mga mambabasa’t tagapakinig
Gusto ko silang mabilaukan
Mahimasmasan, matauhan
Matawa, mautot, maihi, humagalpak
Gusto kong sa isang dosenang linya
Maging tao silang muli.
***
SA HARAP NG TULA
by Peter Solis Nery
Excited ka dapat sa unang mga linya ng tula—
Either sa pagbasa man nito o pagsulat
Dapat nanginginig ka sa ganda at freshness
Ng kaisipan at mga salita, dapat may dating
May oomph at pizzazz, hindi bulok, hindi
Gasgas like you’ve already heard this story-
Line six times before. If it sounds plagiarized
It probability is—so ayaw mo naman ng ganyan
Keep it short kasi dapat exciting din ang
Gitna at katapusan. Dapat sa tula, matamis
Malasa, malinamnam—kasya lang sa bunganga
Nakakaumay kapag sumobra sa labing-apat
Na linya. Tandaan, nakakasawa rin ang tugma—
Oro, plata, mata—dinagdagan mo pa ng tinola!
***
ANG PAGLIYAB NG TULA
by Peter Solis Nery
Ang dalawang bato ba—tinatawag ding
Batong-pingkian—kung ikikiskis, magliliyab
Ng apoy? Kapag ba ang dalawang tuyong
Sanga kung ikukuskus sa isa’t isa, magniningas
At madadarang din? Paano ang dalawa o
Higit pang mga salita—halimbawa, ‘ikaw’ at ‘ako’
‘Hubad’ at ‘uhaw’—kapag ikiniskis ba sila
Sa iisang silid, iisang tula, iisang kama
Magpipiyesta ba ang mga apoy sa impiyerno?
Saan nag-iinit ang katawan, nag-aalab ang puso—
At puson—ng tula? Paano ba muling binubuhay
Pinagliliyab ang pagnanasa at kaharutan ng mga
Salitang binugbog, pinatay, at pinawalang-bisa
Ng pornograpiya, tsismis, at walang hanggang
Pagdadakdak? Habang papalapit sa kaluwalhatian
Sa bituin man o sa ating pagkasunog sa liwanag
Iilang salita lamang ang kinakailangan ng tula.
Para lang naman sa iba pang chechebureche
Kung kaya inimbento ang mga halinghing./PN