ORIGINALLY written as “Si Padre Olan kag ang Dios” in late 2012 (and which ultimately won the 1stprize at the Palanca Short Story in Hiligaynon in 2013), I translated the piece into Filipino while waiting for the Palanca verdict.
After its Palanca win, my former English language professor at UPV Celia Fuentes Parcon translated Padre Olan into English.
I like the translation so much that I have declared it as the official and definitive translation of the work.
*
At one time, I made a special booklet containing the original Hiligaynon version, Ma’am Parcon’s English translation, and my Filipino translation.
I gave it to then-Archbishop Angel Lagdameo through his secretariat.
But I never heard from him at all so I don’t know if he ever read it.
Well, if he didn’t, it’s all his loss.
But here’s the second installment of the Padre Olan story that started last Monday.
*
Si Padre Olan at ang Diyos
© Peter Solis Nery
(continued)
*
Ang pula ng mercury sa termometrong nakasabit sa isang haligi ng kubo ay umabot sa 43°C (halos 110°F), ngunit walang nakapansin noon. Naramdaman lang ng pari na labis-labis ang singhal ng sinag mula sa nagmumurang araw.
Walang kahit isang ihip ng hangin sa hardin, subalit mas malamig ang silong ng kubo roon kaysa sa komidor ng kumbento gayong brown-out at walang bentilador.
*
Ang kusinerang si Aling Paquit ang naglingkod sa pari at sa don. Chorizo, itlog, at piniritong lamayong bangus ang agahan ng pari kung Martes. May maputlang pakwan at kinulabong buko ng niyog na nilagyan ng kinuskos na yelo. Naglagay din ng kape si Aling Paquit sa mesa sa gitna ng kubo ngunit hindi iyon pinansin ng pari o ng don. Walang patawad ang init.
*
“Padre, gugutumin tayong lahat kung hindi pa uulan. Paano tayo makapagtatanim kung hindi darating ang ulan? Kung walang patanim, paano tayo makakaani? Saan tayo kukuha ng bigas? Paano tayo kakain?”
Sunod-sunod ang mga tanong ni Don Beato, pinagkakatiwalaan sa bayan, haligi ng Buenavista, at madalas na nag-iisponsor sa mga gastos sa simbahan. Kahit pa mukhang kapakanan ng lahat ang isinangguni ng don sa pari, alam ni Padre Olan na pansariling negosyo ang totoong nagtulak sa don para lumapit sa kanya.
*
Palasimba si Don Beato Yngala, subalit hindi kilalang relihiyoso. Hindi siya sumasali sa pag-awit ng mga kanta sa misa, at hindi siya nakikiisa sa pagbigkas ng kredo Niceo ng mga Katoliko.
“Hindi lang tayo ang nagdurusa dahil sa El Niñong ito, Don Beato. Mas lalong malala pa ang kalagayan sa Luzon. Naubusan ng tubig ang Magat Dam at natuyo ang mga irigasyon sa Isabela, Cagayan, Nueva Ecija, at Nueva Viscaya,” paliwanag ng pari para mapahinahon ang don na tigmak sa ga-kamyas kalaking mga pawis.
*
“Natuyo rin ang ating mga irigasyon sa buong isla, kung hindi mo pa alam,” sagot ng don na may pagsusuplado.
“Ano ngayon ang ibig mong gawin ko, Don Beato?” tanong ni Padre Roland Javellana.
“Ano kaya kung magdasal tayo?”
Parang hindi makapaniwala si Padre Olan sa narinig. Subalit lubha siyang nagalak. Si Don Beato, nagyayang magdasal?
*
“Sige, ipaliligpit ko itong ating pinagkainan. Pagkatapos, magdadasal tayong dalawa,” galak na tugon ng pari sa don.
“Ang ibig kong sabihin,” sambit ng don na may pagkaasiwa, “…sa loob ng simbahan.”
Nagulat pang lalo ang pari. Lumiwanag ang kanyang mukha. Ngumiti siya. Parang naunawaan ang nais ng don. “Don Beato,” paliwanag ni Padre Olan, “pakikinggan ng Diyos ang ating mga panalangin kahit saan tayo. Hindi kailangang sa simbahan lang mismo tayo magdasal.”
*
Huminga nang malalim si Don Beato, “Padre, ang nais ko pa sanang sabihin ay kung maari, ang buong kongregasyon ang magdarasal… sa darating na Linggo. Sa halip na ipagdiwang ang kapistahan ni San Juan, bakit hindi tayo magdaos ng isang espesyal na araw ng pagdarasal para lang umulan?”
Parang nagulantang si Padre Olan. Natagalan bago siya nakapagsalita. Nang lumabas ang kanyang boses, dalawang tanong ang nabuo.
*
“Ang ibig mong sabihin, natatanging araw para lang magdasal na umulan? Ihahalili sa pagdiriwang ng kapistahan ni San Juan?”
Tumango-tango ang don.
Umiling-iling ang pari. “Don Beato, hindi ko magagawa iyan. May sinusunod tayong kalendaryo ng mga misa at kapistahan ng mga santo.”
“Tumatanggi ka? Nagdadahilan? Bakit hindi maari?”
*
“Don Beato, maari nating idagdag na petisyon sa Mga Panalangin ng mga Nananampalataya ang paghingi ng ulan. Marahil hindi naman kailangan na baguhin natin ang buong liturhiya para lang humiling ng ulan.”
“At bakit hindi?” walang pagpapakumbaba ang tinig ng don. “Aanhin pa natin ang misa at liturhiya kung patay na tayo sa gutom? Sinasabi ko sa iyo, Padre, malaking gutom ang mangyayari kung hindi pa darating ang ulan sa susunod na mga araw.”
*
Halos kumulo ang dugo ni Don Beato Yngala nang iniwan niya ang pari sa kubo sa gitna ng hardin. Hindi siya sanay na tinatanggihan.
Uminit din ang pisngi ni Padre Olan Javellana, subalit naunawaan niya ang pagsusuplado ng don na nagmamay-ari ng malawak na palayan at kalagitnaan na ng Hunyo’y hindi pa natataniman. (To be continued/PN)