In the Filipino and English versions — “Si Padre Olan at ang Diyos”, and “Father Olan, God, and the Rain”, Si Padre Olan kag ang Dios is making the rounds of junior high school textbooks as a representative literature from Western Visayas.
And why not?
The story is a first prize Palanca winner.
The writer is a most notable Ilonggo writer.
*
The setting is Guimaras, which is often neglected in the discussion of West Visayan literature.
The local color is steep in history and culture.
And the theme is pretty transcendent.
Here now is the third movement of the story in Filipino:
*
Si Padre Olan at ang Diyos
© Peter Solis Nery
(continued)
*
Martes pa lamang, nagsimula na si Padre Olan sa pagsulat ng kanyang sermon para sa Kapistahan ni San Juan Bautista. Subalit parang natuyuan na rin siya ng mabubuting mga ideya. Parang ayaw dumaloy ang mga salita. Paano siya makapagsermon tungkol sa pagbinyag sa Panginoong Hesus sa Ilog ng Jordan kung ang ilog mismo sa Baryo Navalas sa Buenavista ay natuyuan ng tubig? Paano siya makakapangaral tungkol sa tubig na naglilinis at naghuhugas ng mga kasalanan kung halos nang makapaligo ang mga tao para lang makatipid sa tubig?
*
Subalit higit na mahalaga ang pagdiriwang ng pista ni San Juan hindi lamang para sa katabing bayan ng Jordan kung hindi para sa buong isla-probinsiya ng Guimaras. Si San Juan Bautista ang santong patron ng buong isla! Maari bang ipagpaliban ang kapistahan ng santong patron? Hindi ba mas nararapat na papurihan ang santong maaring makatulong at mamagitan para sa sumasampalataya sa paghingi ng ulan sa Poong Maykapal?
*
Sinundan ang K of C ng lupon ng mga kababaihan.
Noong Huwebes, bago siya nagtungo sa Iloilo para kausapin ang arsobispo ng Jaro, sinukol si Padre Olan ng Catholic Women’s League sa pamumuno ni Ginang Alicia Sanz. Pagkatapos ng pang-umagang misa, linapitan siya ni Inday Alice at ng mga kasapi ng CWL, Legion of Mary, at Apostolado ng Panalangin.
Wala nang paligoy-ligoy ang usapan at ipinaabot ng kababaihan kay Padre Olan ang kanilang pagtampo sa pagtanggi ng pari na magdaos ng natatanging araw ng pagdarasal para umulan.
*
“Hindi ako tumatanggi, Inday Alice,” pag-aamo ng pari sa pinuno ng mga babae habang tinitingnan din ang mga kasama ni Ginang Sanz. Ang lahat ay naghihintay ng kanyang paliwanag.
Ang totoo, mabigat sa kalooban ng pari na tumanggi sa kababaihan ng simbahan sapagkat sila ang tunay na pinagkakatiwalaan ng mga gawain sa pagpapatakbo ng parokya. Mula sa liturhiya, hanggang sa mga apostolado. Mula sa pangungulekta ng mga abuloy at donasyon, hanggang sa pagsanay ng mga cantor at tagabasa sa misa. Kung may nais ipatalastas ang pari sa buong sambayanan, mabilis pa sa radyo ang paghatid at pagbigay-alam ng mga babae ng simbahan. Sila ang Radyo Lalamunan na naghahatid ng ebanghelyo ng kaligtasan at nangunguna sa mga Bible-study groups.
*
Maaasahan ang Catholic Women’s League, ang Legion of Mary, at ang Apostolado ng Panalangin sa lahat ng sandali. Madali silang malalapitan ni Padre Olan sa anumang mga kakailanganin. Kung walang pondo ang simbahan, ang mga babae ang gumagawa ng paraan upang maisakatuparan ang mga proyekto at gawain. Sila ang nagpaparami ng limang tinapay at dalawang isda para makakain ang lahat. Paano niya masusugatan ang damdamin ng mga nananampalatayang ito?
“Ngunit hindi ka rin sumang-ayon,” may tampong sagot ni Inday Alice na asawa ni Knight Rafael Sanz. “Tumutol ka raw sabi ni Paeng.”
*
Niyaya ng pari ang mga babae sa kubo sa likod ng kumbento. Nagpahanda siya ng meryenda kay Aling Paquita. Pinaupo niya ang mga babae.
Kasama ang mainit na kape at tsokolate, dinalhan din sila ni Aling Paquit ng suman sa ibos at hiniwang mangga na galing pa sa bayan ng Jordan. Matamis ang lahat ng mangga ng Guimaras subalit higit na malasa at katakamtakam ayon kay Padre Olan ang galing sa Jordan, kung saan naroon ang punong tanggapan at taniman ng National Mango Research and Development Center.
*
Nang makahinahon ang lahat, nagsalita ang pari.
“Inday Alice, mga manang, at mga nanay,” may pagpakumbaba ang panimula niya, “tunay na naunawaan ko kayong lahat. Ngunit sana’y subukan din ninyong intindihin ang aking kalagayan. Ibig ko kayong tulungan subalit mahirap ang sitwasyon ko. Pari ako, hindi babaylan. Hindi ako isang mahiko nga maaring mag-utos na pumatak ang ulan.”
“Padre, hindi naman ganyan ang ibig naming sabihin,” paunawa ni Inday Alice.
“Hindi?” tanong ng pari. Wala sa isip niya ang mangutya, subalit lumabas sa bibig niya ang salita na may tono ng upasala.
Walang kaimik-imik ang mga babae.
*
“At ano pala ang ibig ninyo? Hindi ba gusto ninyo ng espesyal na araw para manalangin upang umulan? Nais ninyong gumawa ako ng himala! Nais ninyo ng isang sirko—titipunin ninyo ang mga tao sa loob ng simbahan para manood sa aking kapangyarihan at mahika. Subalit hindi ako salamangkero! Gusto ninyong magdasal ako sa simbahan, magmuwestra ng ritwal. Tapos, maghihintay kayo ng ulan. Subalit napag-isip-isip ba ninyo kung ano ang susunod na mangyayari kung gagawin natin ang nais ninyo at hindi pa rin bumagsak ang ulan?”
Hindi nakapagsalita ang mga babae.
*
Ang pari ang nagtapos ng usapan. “’Wag sana nating pilipitin ang braso ng Diyos para lang masunod ang ating mga kagustuhan. Hindi weyter ang Diyos na bibigyan lang natin ng ating order.”
Nagtinginan lamang ang mga babae. Walang nagsalita.
Umigham si Padre Olan bago nagpatuloy, “Subalit huwag kayong mag-alala. Para ipakita sa inyo na pinakikinggan at binibigyan ko ng pagpapahalaga ang mga idinudulog ninyo sa akin, tutungo ako sa Iloilo ngayong araw ding ito at kakausapin ko ang arsobispo. Hihingi ako ng payo hinggil sa bagay na ito.”
Nakita ng pari na tumango-tango ang mga babae. Marahil, naunawaan nila siya.
Dagdag pa ng pari, “At pakiusap lang, mangyaring ipagbigay-alam sa lahat na hindi ako tumatanggi sa pagdaos ng natatanging araw ng pagdarasal para umulan.” (To be continued/PN)