
Sibonga, Cebu- ISINUSULONG ni Senador Lito Lapid ang pagpapalago ng heritage at pilgrimage tourism destinations sa lalawigan ng Cebu at buong bansa.
Sa kanyang motorcade nitong Huwebes, dumaan at ininspeksyon ng Senador ang restoration project sa Nuestra Señora del Pilar complex na pinondohan ng P110 million ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority(TIEZA) na pinamumunuan ni COO Mark Lapid, katuwang ang National Historical Commission of the Philippines at Cebu Capitol.
Ang makasaysayang simbahan ay napinsala ng super typhoon Odette noong December 16, 2021.
Ayon kay Lapid, pinuno ng Senate Committee on Tourism, layunin ng restoration project na maisaayos at manumbalik ang mga napinsalang bahagi ng simbahan bilang pagkilala sa Cebu na isang heritage and religious tourism destination.
Nakipagkita rin si Lapid kay Sibonga Mayor Mariano Laude kung saan mainit siyang sinalubong ng mga kawani ng nasabing bayan.


Sa pulong naman sa Cebu capitol, nagpasalamat si Lapid kay Gov. Gwen Garcia sa pagpapahintulot na mag-motorcade sa buong probinsya sa loob ng apat na araw mula March 31 hanggang April 3.
Pinuri ni Lapid si Garcia sa mahusay at matatag na pamumuno nya sa lalawigan.
Madalas na bumibisita at nagdadasal si Lapid sa mga simbahan na kanyang nadadaanan sa motorcade sa iba’t-ibang ng bahagi ng bansa.
Itinuring ang Cebu bilang isa sa mga haligi ng Kristiyanismo sa Pilipinas at Asya.