
PINANGUNAHAN ni Senator Lito Lapid ang groundbreaking ceremony sa 6-storey simulation building ng College of Science sa Tarlac State University, nitong Lunes, April 22, 2024.
Aabutin ng P150 million ang kabuuang halaga na kailangan sa pagpapatayo ng gusali, kaya naman sinagot na ito ni Sen. Lapid.
Ito’y maliban pa sa donasyong P30 million ni Lapid at ambag na P25 million ni Senator Win Gatchalian.
Hinikayat ni Lapid ang mga kabataang mag-aaral sa Tarlac State University na huwag sayangin ang panahon para matuto at mag-aral ng mabuti dahil libre naman ito.
“Alam nyo po, napakahalaga ng edukasyon sa akin, magkukwento lang po ako ng konti dahil ang pang-aapi nila kay Lito Lapid ay dahil sa edukasyon, dahil hindi po ako nakatapos. Kung meron lang pong libreng kolehiyo, lalong-lalo na kung may TESDA noong araw, siguro nakapag-aral po ako. Wala tayong magagawa, ipinanganak tayong mahirap, isang labandera lang ang nanay ko kaya hindi ako nakapag-aral ng kolehiyo kaya sabi ko nga sa mga estudyante pag may nakakausap ako pasalamat kayo sa inyong mga magulang at pinag-aaral kayo,” emosyonal na pahayag ni Lapid.
“Napakahalaga po ng pag-aaral. Ang apo ko po ay nag-aaral ng nursing. Palagi ko syang kausap at pinapayuhan na mag-aral ng mabuti. Napakahalaga po ng edukasyon kaya palakpakan po natin ang ating mga magulang dahil pinaaaral kayo,” dagdag pa ng Senador.
Abot-abot naman ang pasalamat kay Lapid ng pamunuan at mga estudyante ng Tarlac State University sa malaking ambag nito sa edukasyon.