SSS, pinaalalahanan ang mga miyembro ukol sa number coding, drop, box, at appointment systems na ipinatutupad

Pinaaalalahanan ng Social Security System (SSS) ang mga miyembro, claimant, at covered employer nito na mayroong number coding, drop box, at appointment systems na ipinatutupad sa piling branches nito sa buong bansa. 

Kinabibilangan ito ng lahat ng branches sa National Capital Region (NCR); Antipolo, Masinag, Cainta, San Mateo, Tanay, Baguio, Dagupan, Bacoor, at Biñan branches sa Luzon; Cebu, Lapu-Lapu, Bacolod, at Iloilo-Central branches sa Visayas; at Cagayan De Oro at Davao branches sa Mindanao. 

Sa ilalim ng number coding system, ang mga transaksyon na maaaring isagawa sa branches ay ang pagbabayad ng kontribusyon at loan, compliance sa SS Number Application na isinagawa online (gaya ng personal appearance), pagpick-up ng Unified Multi-Purpose Identification (UMID) Card, pagpapakita o pagsusumite ng mga orihinal na dokumento para suportahan ang claim applications, paggamit ng E-Center Facility para sa mga walang kompyuter o internet sa bahay, at iba pang justifiable reasons. 

Ang nakatakdang araw ng pakikipagtransaksyon ng mga miyembro, claimant o employer ay nakabatay sa huling numero ng kanilang SS o ER ID. Ito ay ang sumusunod: Lunes para sa nagtatapos sa 1 at 2, Martes para sa nagtatapos sa 3 at 4, Miyerkules para sa nagtatapos sa 5 at 6, Huwebes para sa nagtatapos sa 7 at 8, at Biyernes para sa nagtatapos sa 9 at 0.   

Para sa may Funeral o Death Benefit Claim, ang pagbabatayan na SS number ay ang sa yumaong miyembro.   

Sakaling ang nakatakdang araw ng pakikipagtransaksyon ng miyembro o employer ay natapat sa holiday, maaari silang pumunta sa kasunod na working day. Kung nagkaroon naman ng system downtime, magtatalaga ng appointment ang SSS branch sa mga miyembro, claimant o employer na nakapila o maaari rin silang maghintay hanggang maging operational itong muli. 

Para naman sa mga transaksyon na hindi nabanggit, mayroong drop boxes sa labas ng mga nasabing branch kung saan maaaring mag-iwan ang mga miyembro, claimant o employer ng mga envelope na naglalaman ng mga kinakailangang dokumento para sa transaksyon. Kailangan nilang isulat ang kanilang pangalan, uri ng transaksyon, at contact number sa envelope. Kung kinakailangan, sila ay bibigyan ng appointment ng kinauukulang SSS branch upang maproseso ang kanilang transakyon. 

Nanawagan si SSS President at CEO Aurora C. Ignacio sa mga miyembro, claimant at employer na huwag magtungo sa mga nasabing SSS branch nang hindi alinsunod sa number coding system. 

“Hinihingi po namin ang pakikiisa ng lahat sa mga hakbang na aming isinasagawa sa aming branches para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19. Strikto po namin itong ipinatutupad kaya kung pupunta po kayo ng hindi sa inyong prescribed transaction day ay hindi po kayo makakapasok,” pahayag ni Ignacio. 

Dagdag pa niya, ang mga transaction gaya ng Annual Confirmation of Pensioners’ Program (ACOP), at UMID Data Capture ay suspended simula pa noong Marso 2020. 

“Para sa aming pensioners, sinuspindi po namin ang ACOP. Covered po nito ang mga hindi nakapag-comply sa programa simula Enero 2020. Hindi po mapuputol ang pagtanggap ninyo ng SSS pension hangga’t mayroong community quarantine sa bansa. Kapag ang buong bansa po ay nasa ilalim na ng new normal o ‘pag na-lift na lahat ng forms ng community quarantine, bibigyan po namin kayo ng 60 days para makapag-comply sa ACOP,” ani Ignacio. 

Sa kasalukuyan, ang mga kailangan lamang magpasa ng ACOP compliance ay ang mga mayroong suspended pensions dahil sa hindi pagko-comply sa ACOP bago ang community quarantine period. 

Ayon sa SSS marami ring miyembro ang nagtutungo sa branches nito para magfollow-up ng kanilang registration sa Disbursement Account Enrollment Module (DAEM) sa SSS website (www.sss.gov.ph). 

Paalala naman ng SSS, hindi na ito kailangan pang gawin sa branches dahil gumagawa na ito ng paraan upang mapabilis ang verification process ng mga pending na disbursement account enrollment. 

“Batid po namin na marami ang nangangailangan ng mga serbisyong hatid ng SSS, kung kaya’t patuloy po naming pinagbubuti ang aming online services. Hinihikayat po namin ang aming mga miyembro at covered employers na gamitin ang mga ito sa halip na pumunta pa sa aming branches,” ani Ignacio. 

Sa kasalukuyan, ang online services na maaaring gawin ng mga miyembro na rehistrado sa My.SSS member portal sa SSS website ay ang mga sumusunod: filing ng aplikasyon para sa Unemployment Benefit, Salary Loan at Calamity Loan; filing ng Retirement Benefit para sa mga kwalipikadong miyembro; generation ng Payment Reference Number (PRN) para sa kontribusyon; pagpapasa ng maternity notification para sa self-employed, voluntary, at Overseas Filipino Worker (OFW) members; enrollment ng disbursement account; contribution at loans inquiry; Real-Time Processing of Loans PRN Inquiry; at iba pa. 

Gamit ang kanilang My.SSS web account, ang mga employer naman ay maaaring mag-certify ng loan at claim applications ng kanilang mga empleyado, magpasa ng employment reports, mag-file ng sickness benefit reimbursement applications, mag-edit ng Loan Statement at magpasa ng electronic-Loan Collection List, at iba pa. 

Patuloy ang pagbibigay ng SSS ng webinars tungkol sa online services nito. Makikita ang registration links para sa mga ito sa “Philippine Social Security System,” ang official Facebook Page ng SSS. 

Para sa mga katanungan at dagdag na impormasyon, maaaring tumawag sa SSS Hotline sa 1455. Ang directory naman ng mga SSS branch ay makikita sa SSS website. ### 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here